CAVITE – Tinatayang mahigit P200,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam at arestado ang 11 katao sa isinagawang magkasunod na buy-bust operation sa dalawang drug den sa Bacoor City.
Kinilala ang mga suspek na sina Maila Vasquez y Pagtakhan (co-maintainer ng drug den) 28; Jonathan Francisco y Ecle, 27; Ariel Madrelejos y Batalia, 43; Ismael Sanman, 38; Ramil Malinao y Paglinawan, 19; Rommel Depano y Anbrad, 45; Jayson Lopez y Montanez, 31; Ruel Bertudez y Abliter, 39; Jeffrey Supil Matarong, 34; Alejandro Estrada y Maninang, 24, at Denver Paquingan y Velez, 31, habang pinaghahanap naman ang target sa operasyon na si alyas “Bato” na nakatakas.
Ayon sa ulat, dakong alas-12:00 ng tanghali noong Huwebes nang magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsamang pwersa ng PDEA 4A, Cavite PDEU at Bacoor City Police Station kung saan target si alyas “Bato”, sa Silangan St., Brgy. Talaba 7, Bacoor City ngunit nakatakas ito gayunman naaresto naman ang umano’y mismong maintainer ng drug den na si Vasquez at mga kasamahan nito na sina Lopez, Bertudez, Matarong, Estrada at Paquingan at nasamsam ang 15 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P103,500 at iba’t ibang drug paraphernalia.
Makalipas lamang ng ilang minuto, isa pang buy-bust operation ang isinagawa sa Silangan St., Brgy. Talaba 7 dakong alas-12:10 ng hapon noong Huwebes na nagresulta sa pagkakaaresto kina Francisco, Madrelejos, Sanman, Malinao at Depano at pagkalansag ng isa pang drug den sa lugar at narekober ang 20 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P103,138 at drug paraphernalia.
Sa dalawang magkasunod na buy-bust operation, umabot sa 35 gramo ang nasamsam na umano’y shabu na may street value na P206,638. (SIGFRED ADSUARA)
