NAOBSERBAHANG may pataas na trend ng sulfur dioxide emission sa Bulkang Taal sa nakalipas na limang araw.
Ayon sa Phivolcs, tumaas ang lebel ng ibinubugang sulfur dioxide simula noong Marso 6 at umabot ito hanggang 15,900 tons kada araw noong Marso 9.
Napansin ding nagsimulang maging aktibo sa pagbuga ng gas ang main crater simula hatinggabi nitong Biyernes, Marso 11.
Nakataas pa rin sa Alert Level 2 ang Bulkang Taal pero wala pang abiso ang Phivolcs na lumikas ang mga residente bagaman pinayuhan silang maging handa sakaling kailangang lumikas bunsod ng muling pag-aalburoto ng bulkan.
Sa ilalim ng Alert Level 2, naroon pa rin ang banta ng steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas.
Patuloy pa ring pinaalalahanan ang publiko na bawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island na idineklarang permanent danger zone partikular na sa may gawi ng Main Crater at Daang Kastila fissure pati na ang paninirahan at pamamangka sa Lawa ng Taal.
Hinihikayat din ang mga lokal na pamahalaaan na patuloy na suriin at pagtibayin ang kahandaan ng mga dati nang nilikas na barangay sa paligid ng Lawa ng Taal sakali mang magkaroon muli ng panibagong pag-aalburoto ng bulkan. (NILOU DEL CARMEN)
229 