NANAWAGAN si Sen. Grace Poe sa pamahalaan at mga institusyon na pagtibayin ang suporta sa mga kababaihang naghahanapbuhay upang malagpasan nila ang mga kasalukuyang limitasyon at umunlad sa ilalim ng new normal.
“Naniniwala ako na kailangang mamuhunan ng gobyerno sa mga babaeng naghahanapbuhay at nagnenegosyo dahil napakahalaga nito sa pagbangon ng ating mga komunidad mula sa pandemya.
Ito ang dahilan kaya kailangang lumikha ng maayos na kapaligirang walang balakid para marating ng mga babae ang inaasam na produktibo at kaaya-ayang pamumuhay,” ayon kay Poe.
Sa kanyang talumpati sa pamamagitan ng Zoom sa Go Negosyo Women Entrepreneurship Summit 2022, tinukoy ni Poe ang mga kasalukuyang hamon na kinakaharap ng kababaihang negosyante tulad ng financial inclusion na mahalaga sa kanilang pag-unlad.
Unang iniulat ng International Finance Corp. na 61 porsyento ng mga babae sa Pilipinas ay walang sariling account sa bangko at hindi parte ng pormal na ekonomiya. Resulta nito, hindi nila mapakinabangan ang mga loan at grant na ibinibigay ng pamahalaan sa mga rehistradong negosyo.
“Nais natin na lahat ng Pilipino ay magkaroon ng access sa banking at financial services para walang maiwan,” saad ni Poe, chairperson ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies.
Naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo ang Financial Products and Services Consumer Protection Act na inisponsor at ipinagtanggol ni Poe sa Senado.
Layon ng panukalang pagtibayin ang karapatan ng mga Pilipinong konsyumer sa pantay na pagtrato, paglilinaw sa mga produkto at serbisyong pinansyal upang hindi sila basta na lamang malinlang at mabaon sa pagkakautang.
“Kailangan nating mahigpit na pangalagaan ang interes ng ating mga konsyumer, lalo na ngayong marami ang lubog sa utang at hirap sa pagbabayad ng kanilang mga obligasyon,” sambit pa ni Poe.
Idiniin rin ni Poe na ilang pag-aaral na ang nagsabing mas maraming kinakaharap na mga hadlang ang mga babaeng negosyante kaysa lalaki. Kabilang dito ang kakulangan ng edukasyon sa negosyo, mga oportunidad para magsanay, suporta mula sa pamilya, pagkuha ng kapital, at kakapusan sa oras dulot ng mga obligasyon sa tahanan.
“Sa bawat pagkakataon, kilalanin at ipagmalaki natin ang mga kababaihan sa kanilang kontribusyon sa ating mga tahanan, opisina at pabrika,” giit ni Poe, kasabay ng paggunita ng bansa sa Marso bilang buwan ng kababaihan. (ESTONG REYES)
206 