ASUNTO KONTRA MAY-ARI NG SHABU LAB KASADO NA

SA pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot, tiniyak ng mga otoridad na mananagot ang may-ari ng sinalakay na shabu laboratory sa lungsod ng Caloocan nito lamang nakaraang Biyernes.

Bukod sa may-ari ng bahay sa panulukan ng A. Mabini St. at C-3, sakop ng Maypajo, sasampahan din ng paglabag ng Section 8, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa nagmamantine ng nasabing pasilidad.

Bitbit ang isang mission order mula sa tanggapan ni PDEA director-general Wilkins Villanueva at letter of authority na pirmado ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, pinasok ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), ESS, at Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PDEG) ang nasabing lugar batay sa timbre ng isang impormante.

Sa loob ng nasabing bahay, tumambad ang balde-baldeng kemikal na pinaniniwalaang gamit sa paggawa ng droga. Narekober din ng mga operatiba ang hindi pa mabatid na dami ng liquid shabu na nakaimbak sa isang cold storage, mga gamit sa pagluluto ng shabu at iba pang paraphernalia.

Ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service Director Jeoffrey Tacio, ang naturang March 11 operation ay follow-up sa buy-bust operation na isinagawa noong Marso 8, 2022 kung saan unang nasamsam ng joint team ang mga ilegal na droga na ginawa sa naturang laboratoryo.

Ani Tacio, ang pagkakadiskubre sa shabu lab ay bunsod ng kooperasyon at case build-up sa pangunguna ng Intelligence and Investigation Service ng PDEA sa ilalim ng pamumuno ni Dir. Adrian Alvarino.

Sa imbestigasyon, lumalabas na mahigit isang taon nang nag-ooperate ang naturang shabu laboratory na ayon sa PDEA ay may kakayahang gumawa ng tatlong kilong shabu kada araw.
Narekober din sa operasyon ang 41 baldeng pawang naglalaman ng iba’t ibang klase ng mga likidong kemikal.

Kumpiskado rin ng grupo ang mga timbangan, aluminum trays, rice cooker, vacuum pump at ilang metal containers na may takip, sealer machine, refrigerator, ilang plastic wares, assorted controlled precursors and essential chemicals (CPECS), mga laboratory equipment, at talaan ng pananalaping pinaniniwalaang bahagi ng mga naging transaksyon ng isang malaking sindikato.

Walang mga suspek na naaresto sa raid, ngunit ilang indibidwal na hinihinalang sangkot sa operasyon ng shabu lab ang una nang naaresto sa Valenzuela City noong nakaraang linggo, kabilang ang isang Tianzhu Lyu mula sa Fujian, China at isang Meliza Villanueva ng Tarlac.

Nasa 160 kilo ng shabu ang nakuha sa pag-iingat ng mga suspek.

Pagtitiyak ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro, paiigtingin ng kanilang ahensya ang kanilang paghihigpit sa mga inaangkat na kemikal sa hangaring tuldukan ang operasyon ng mga laboratoryong gumagawa ng drogang ikinakalat sa iba’t ibang panig ng bansa. (FERNAN ANGELES) 

254

Related posts

Leave a Comment