KINONTRA ng Department of Transportation ang petisyon na humihiling na itaas ang pasahe sa mga pampublikong transportasyon.
Naniniwala si Transport Secretary Arthur Tugade na ang taas sa singil sa pasahe ay magpapataas lamang sa inflation rate ng Pilipinas.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Miyerkoles, sinabi ni Tugade na kinikilala niya ang pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary at National Economic and Development Authority (NEDA) chief Karl Kendrick Chua na kapag tinaasan ang minimum jeepney fare at minimum wage ay nangangahulugan ng pagtaas ng inflation rate sa 5.1%.
“Ang position namin, wag kayong magtaas ng fare, ng mga pamasahe, tanggapin ang ayuda, gamitin ‘yung subsidiya.” dagdag na pahayag nito.
May ilang grupo kasi ng public utility vehicle (PUV) drivers at operators ang naghain ng petisyon na humihiling ng fare increase kaugnay ng serye ng fuel price hikes bunsod ng nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
At para matulungan na mapagaan ang sitwasyon, nagsimula na ang pamahalaan na mamahagi ng P6,500 fuel subsidies sa mahigit 377,000 qualified PUV drivers at operators.
May kabuuang P2.5 billion ang inilaan para sa Fuel Subsidy Program ng DOTr na ipinalabas na noong nakaraang linggo.
Sa nasabing P2.5 billion budget, iniulat ni Tugade na P1.75 billion o 70% ay inilaan sa public utility vehicles sa ilalim ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB); P625 million o 25% sa tricycles kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG); at ang natitirang P125 million o 5% sa Department of Trade and Industry (DTI) delivery services.
Ang pamamahagi sa public utility jeepneys at buses ay sinimulan na rin Marso 14 hanggang 18. (CHRISTIAN DALE)
