PINANGANGAMBAHAN ngayon ng mga awtoridad ang posibilidad na sumipa ang bilang ng krimen sa bayan ng Infanta, Quezon.
Kasunod ito ng pagkakaaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) Task Force Against Illegal Drugs sa sampung kalalakihang sakay ng talong van na may dalang kontrabando at pinaghihinalaang sako-sakong shabu na nakatago sa Chinese teabags. Nahuli ang mga suspek sa checkpoint sa Barangay Comon sa bayan ng Infanta nitong Martes.
Ayon kay Police Major Francis Aldrich D. Garcia ng Infanta Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng tip na may isang Nissan van na may lulan ng mga ipinagbabawal na droga.
Sa imbentaryo ng pulisya, aabot sa humigit kumulang 600 na pakete ng hinihinalang shabu na nakasilid sa Chinese teabags ang nakumpiska.
Isinasailalim na ng NBI sa pagsusuri ang mga nakuhang kontrabando habang inaalam pa ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) ang pinanggalingan nito at kung sino-sino pa ang sangkot dito.
Bunsod ng pagkakasamsam sa sako-sakong hinihinalang shabu at iba pang krimen ay pinangangambahang maging crime capital ng Southern Luzon ang bayan ng Infanta.
Matatandaan na kamakailan ay pinagtangkaan din ang buhay ni Infanta Mayor Filipina Grace America. Mapalad naman itong nakaligtas sa mga nagtangkang umambush sa kanya.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Dionardo Carlos, sisilipin nila ang lahat ng anggulong maaaring may kinalaman sa naging banta sa buhay ng alkalde.
