MAYROON nang walong suspek na natukoy ang Philippine National Police (PNP) sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
“At least eight suspects na ang ating na-identify. Sa oras na makuha na natin ang sapat na ebidensya ay hihingin na natin ang tulong ng korte,” ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nitong Miyerkoles.
Gayunman, wala pang pinapangalanan sa mga nasabing suspek.
Ayon sa kalihim, sa pamamagitan ng warrant of arrest, maaari nang hanapin o tugisin ng mga awtoridad ang mga suspek upang magbigay linaw sa mga nawawalang sabungero at para papanagutin ang mga responsable sa nasabing insidente.
Marso 4, sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP na kinilala ng saksi ang anim na suspek sa pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena sa Santa Ana.
Sinabi ni CIDG director Police Brigadier General Eliseo Cruz na idinawit ng saksi ang 14 katao sa pagkawala ng mga sabungero.
Nakatutok naman ang pulisya sa anim na kaso na kinasasangkutan ng 31 nawawalang sabungero.
Lumikha na ang PNP ng Special Investigation Group Sabungero para tumutok sa kaso.
Kaugnay nito, pinababawasan ni Pangulong Duterte sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang oras ng operasyon ng E-sabong.
Para sa Chief Executive, hindi dapat tumakbo ng 24-oras ang operasyon ng nasabing laro. Gayunman, walang tinukoy ang Pangulo kung ilang oras lamang dapat mag-operate ang e-sabong.
Inamin din ng Pangulo na hindi siya naging padalos-dalos sa pagpapasya kung sususpendihin ang online gaming dahil kailangan din naman aniya ng pamahalaan ng pera.
Kapos aniya ang pera ng gobyerno at sadyang kailangang may mapagkunan ng dagdag pondo. (CHRISTIAN DALE)
