LABANANG BIAZON AT MARIÑAS SA MUNTINLUPA, MAINIT

NAGING mainit ang batuhan ng putik ng dalawang kandidato sa pagka alkalde ng lungsod ng Muntinlupa na sina Congressman Ruffy Biazon at dating Bureau of Immigration Deputy Commissioner Red Mariñas.

Nagtapos na ang termi­no ng kasalukuyan na ­Mayor ng lungsod na si Jaime Fresnedi na pumasok sa pulitika noong 1986 bilang OIC matapos ang People Power Revolution.

Ipinasa ang kanyang trono at nakipagpalit sa anak ni dating Senador Rodolfo Biazon kapalit naman ang pagtakbo ni Fresnedi sa Kongreso.

Si Biazon na may 21 years sa public service, ayon sa kampo ng kalabang kampo ay nasangkot at nakasuhan umano sa maanomalyang pork barrel scam ni Janet Lim Napoles.

Suportado si Biazon nina Fresnedi at Aldrin San Pedro na dating alkalde ng lungsod na naunang sumuporta sa kandidatura ni Mariñas noong 2019 kung saan ay nilampaso ito ni Fresnedi sa bilang na nakuhang boto.

Ang pagkakasangkot na­man ni Mariñas sa “Pastillas Scheme” na pinasabog ng isang whistleblower na si Immigration officer Alex Chiong at ni Senator Riza Hontiveros na sinasabing umaabot sa P40-B ang nawalang kita ng pamahalaan, ay ibinabato sa kredibilidad ni Mariñas sa pagtakbo nito sa pangalawang pagkakataon.

Matatandaang idiniin at itinuro ni Chiong si Mariñas sa isang pagdinig sa Senado sa kainitan ng pandemic, na siyang ­naging utak umano sa ­bribery scam sa pagpupuslit sa bansa ng Chinese nationals na isa sa pinakamalaking kontrobersya na yumanig sa kasaysayan ng BI at sa pamahalaan ni Duterte na ikinabahala ng ­Pangulo at ipinatawag pa sa Malacañang ang ilan
sa mga nasangkot na muntik pang pakainin ng nakabalot na pera sa papel na animo’y isang Pastillas delicacies.

Ang akusasyon ay itinanggi ni Mariñas at naglabas ng certification mula sa Office of the Ombudsman na wala itong naging kaso bago pa man ito nag-resign at tumakbo noong 2019 at sinabing wala na siya sa ahensya noong 2020 na sinasabing nangyari ang bribery scam?

‘Di nga? Bago pa man umalis si Mariñas sa ahensya ay ­inirokomenda nitong papalit sa kanya bilang hepe ng Port Operations Division sa airport ang dati nitong TCEU chief na si Erwin Ortañez ngunit hindi ito pumasa kay DOJ Secretary Menardo Guevarra at inilagay ang isang opisyal ng BI na kanyang pinag­katiwalaan.

May katotohanan kaya na may kinalaman dito si Mariñas o ito’y isang political propaganda lamang? Itinalaga noon ni dating Justice Secretary Aguirre si Red bilang Deputy Commissioner hanggang naging hepe naman ang kanyang ama na si Maynard Mariñas sa Visa Upon Arrival noong 2018 na isang proyekto noon ng DOT upang bigyan ng visa ang Chinese ­nationals na pumasok sa bansa hanggang sa ­magretiro ang matandang Mariñas noong 2019.

Ano man ang magiging kahihinatnan ng kaso ng mga nasangkot sa Pastillas Scheme, sana ay lumabas ang totoo at hindi ang mga walang kasalanan ang mag­silbing sacrificial lamb ng gobyerno.

Sa social media ay ­naging mainit ang batuhan ng putik ng dalawang kampo at maaring isa ito sa magi­ging hotspots sa ­darating na May 9 election na babantayan ng Comelec.

Samantala, halos hindi umusad ang caravan ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Las Piñas noong nakaraang Linggo sa dami ng mga tagasuportang nais makita si BBM, ­maging sa Muntinlupa na kahit hindi na naikutan dahil sa ­kakulangan sa oras ay ­dinagsa pa rin ng mga taong naghintay kay BBM, at hindi sa motorcade ni Mariñas na ayon sa ilang netizens na Muntinlupeño ay nilangaw ang naunang caravan nito.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

243

Related posts

Leave a Comment