KABIT-KABIT, SALA-SALABIT

SA loob ng mahabang panahon, namayagpag ang mga politikong panginoon sa tatlong distrito ng lungsod ng Quezon. Sa nakalipas na mga taon, ang mga maralita ay ‘di magawang makabangon kasi naman ang programang para sa kanila, palaging kinakapon.

Tama na, sobra na – hiyaw ng Ombudsman sa mga naghahari-harian. Sa kalatas ng kanyang tanggapan, kanya umanong tatalupan ang tatlong congressman. Target ng Ombudsman – sina Precious Hipolito, Onyx Crisologo at Alfred Vargas na pawang kinatawan ng Quezon City sa Kamara de Representante.

Nakupu… kabit-kabit, sala-salabit sa engrandeng pangungupit. Partikular na sisilipin ng Ombudsman ang umano’y diskarteng pilipit sa mga programang tulong-hanapbuhay at pe­keng pabahay ng mga kongresistang sa Batasan namamahay.

Diin pa ni Ombudsman, “moto propio” investigation ang kanyang direktiba sa hangaring matukoy ang lahat ng taong gobyernong nagsamantala sa milyon-milyong pisong kinaldog na tulong-hanapbuhay at ginahasang pekeng pabahay.

Ang totoo, hindi kikilos ang Ombudsman kung tsismis lang ang basehan ng mga demandang inihain sa kanilang tanggapan. Pero sa dami ng nagreklamo at dangkal-dangkal na ebidensya, dapat lang naman dinggin ang kanilang panawagan – panagutin ang dapat managot at ipakulong ang dapat makulong.

Habang nirerebisa ng Ombudsman ang nakasampang demanda laban kina Hipolito, Crisologo at Vargas ang mga kongresista ay nagkanya-kanya na. May abala sa pagtatakip, meron din naman kumakambyo – ang totoong isyu inililihis.

Ang dapat sana’y ­prog­ramang aagapay sa mga residenteng nawalan ng hanapbuhay noong kasagsagan ng pandemya, naging daan sa mga kawatang ngayon ay tiba-tiba sa kanilang tinamasa.

Maging si Labor Secretary Silvestre Bello na isa ring abogado, kumbinsidong may naganap na bulilyaso. Paniwala pa ng Kalihim, may sapat na ebidensya ang National Bureau of Investigation (NBI) para ang mga sangkot ay tuluyan nang madiin.

Higit pa sa pambuburiki ng sahod ng mga benepisaryo ang saltong kinakaharap ng pretty boy ng Kongreso. Dangan naman kasi, nasa 500 pobreng pamilya ang sukdulang inagawan ng pera. Sa programang pa­ba­hay ni Vargas, ang salaping pinaghirapan at inipon sa loob ng mahabang panahon, tinangay na ng alon.

Ayon mismo sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), walang programang pabahay ang ­gobyerno sa mga bakanteng lote ng Buenamar Subdivision, Barangay Novaliches Proper at maging sa Palmera Homes, Barangay Sta. Monica sa District 5, Quezon City.

Sino ba naman kasi ang mag-aakalang may nakakubli sa likod ng kanyang maamong mukha? Aakalain ba nilang peke pala ang ­programang pabahay ng isang kongresista?

At ang pinaghirapang pera? Aysus, wala na!

Sa hangaring umiwas sa eskandalong hudyat ng wakas ng kanilang karera sa pulitika, fake news ang ginamit na taktika sukdulang pasabitin pa ang mga peryodista.

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

118

Related posts

Leave a Comment