AYUDA SA TRIKE, DELIVERY RIDERS PINAPAPASPASAN

PINAKIKILOS ni Senador Win Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) at local government units (LGUs) upang apurahin ang pamamahagi ng ayuda sa 113,000 na tricycle drivers at delivery riders na kabilang sa 337,443 benepisyaryo ng P2.5 bilyon Pantawid Pasada program ng gobyerno upang maibsan ang epekto sa sektor ng transportasyon kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis.

Nasa proseso na ng pamamahagi sa mga jeepney driver at operator ang nasabing programa habang ang subsidiya para sa mga tricycle driver at delivery service riders ay maaaring ipamigay sa ikalawang quarter pa ng taon.

“Kailangan meron tayong timetable. Ang mga tricycle driver at delivery service riders, katulad ng ibang mga public utility driver ay dapat bigyan din ng importansya. Nahihirapan din sila. Tatlong linggo na nating pinag-uusapan itong bagay na ito,” sabi ni Gatchalian sa kinatawan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board sa pinakahuling pagdinig ng Senado.

“Mabilis na maipapamahagi ng mga LGUs ang pera. Kaya nilang magbigay ng listahan sa umaga at ipamigay ito sa hapon. Maaari itong isagawa kung may gagalaw. Kailangang iparating ito kay Secretary Tugade dahil kailangan nating ipamahagi agad ang Pantawid Pasada sa mga tricycle drivers at iba pa. Kailangan natin itong aksyunan. Hindi ako nasisiyahan sa kawalan ng katiyakan.

Wala na ngang katiyakan ang presyo, wala pa ring katiyakan ‘yung subsidiya,” sabi pa ni Gatchalian.

Ang panawagan ng mambabatas ay kasabay ng paghimok niya sa mga kinauukulan na alamin kung kakayanin pang dagdagan ang fuel subsidy mula sa kasalukuyang P6,500 hanggang P19,824 kada isang benepisyaryo bunsod ng paglobo ng presyo ng langis mula pa noong Enero nitong taon.

“Iminumungkahi ko na dagdagan pa ang Pantawid Pasada na ipamimigay sa 377,443 Public Utility Vehicles dala na rin ng pagpalo sa $120 kada bariles ng halaga ng langis na patuloy pang tumataas. Kailangan nating tingnan ang paglalaan ng mas mataas ng ayuda nang sa gayon ay tumaas din ang maiuuwing sahod ng mga driver na nababawasan sa ngayon dahil sa mataas na presyo ng gasolina,” sabi ng Senate Energy Committee Chairperson. (ESTONG REYES)

161

Related posts

Leave a Comment