MALAWAKANG F2F CLASSES MAKATUTULONG SA PAGBANGON NG EKONOMIYA

ISINUSULONG ng re-electionist na si Senador Win Gatchalian ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan para sa limited face-to-face classes, bagay na aniya ay makatutulong sa muling pagbangon ng ekonomiya lalo na kung muling makakapaghanapbuhay ang mga magulang.

May 48 na lugar sa bansa, kabilang ang Metro Manila, na kasalukuyan ay nasa Alert Level 1. Ayon sa Department of Education (DepEd), may 6,122 na mga paaralan ang nagsimula na ng face-to-face classes buhat nitong Marso 10.

Ayon sa National Economic and Development Authority, ang pagpapalawig sa face-to-face classes ay makakadagdag ng 12 bilyong piso sa ekonomiya. Ito ay dahil sa pagbabalik at muling pagbubukas ng mga serbisyo at mga negosyo tulad ng transportasyon, mga dormitoryo, mga food stalls, at ang pagbebenta ng mga school materials. Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua, limitado ang magiging epekto ng Alert Level 1 kung mananatili sa bahay ang mga nakatatanda para tulungan ang mga mag-aaral para sa distance learning.

Sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB), hindi bababa sa isang nakatatanda ang kinailangang manatili sa kanilang tahanan upang bantayan ang isang mag-aaral sa home-based learning. Dahil dito, 11 porsyento ng workforce ang kinailangang tumigil sa paghahanapbuhay. Katumbas nito ang 225 bilyong pisong nawala sa ekonomiya para sa isang school year.

“Sa gitna ng patuloy na pagbuti ng ating sitwasyon, hindi na rin natin dapat patagalin pa ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan. Para sa mga magulang na halos dalawang taong tinutukan ang kanilang mga anak sa distance learning, pagkakataon na ito upang makapag-hanapbuhay muli,” ani Gatchalian.

Itinuturing na may malaking pinsala ang idinulot ng pagsasara ng mga paaralan, kabilang ang pagdami ng mga dropout at ang pagbaba ng antas ng literacy. Tinataya ng World Bank na ang learning poverty sa bansa ay kasalukuyang nasa 90 porsyento at maaari pa itong lumala dahil sa kawalan ng face-to-face classes. Ang learning poverty ay ang porsyento ng mga batang hindi makabasa o makaunawa ng isang simpleng kwento. (ESTONG REYES)

93

Related posts

Leave a Comment