LUCENA CITY – May “persons of interest” na ang pulisya sa patuloy sa isinasagawang imbestigasyon sa nabigong pagpaslang sa punong-bayan ng Infanta, sa lalawigan ng Quezon noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Dionardo Carlos, may nakalap nang mahalagang ebidensya ang Special Investigation Task Group “America” mula sa closed-circuit television (CCTV) footage na nagpapakita sa posibleng bumaril at ang mga kasamahan nito.
Ang pahayag ni Carlos ay naka-post sa Facebook page ng PNP noong Huwebes.
Ayon pa kay Carlos, may sinumpaang salaysay na ang apat na testigo na posibleng makapagbigay ng dagdag pang impormasyon sa hinihinalang partisipasyon ng “persons of interest” sa insidente ng pamamaril kay America.
Si Mayor Filipina Grace America ay pinaulanan ng bala ng isang lalaki mula sa kalibre .45 na baril habang sakay ang alkalde sa sasakyan ng pamahalaan, Chevrolet Trailblazer, sa Barangay Poblacion 1, bandang 11:15 ng umaga noong Pebrero 27.
Ang biktima ay katatapos lang sa pagdalo sa religious service sa katabing kapilya ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) kasama ang kanyang personal assistant at empleyado ng munisipyo na si Virgie Borreo at tsuper na si Alvin America, nang ratratin ng putok ng baril.
Mabilis namang tumakas ang lalaki pagkatapos ng pamamaril.
Ayon kay Col. Joel Villanueva, Quezon Provincial Police chief, nakatutok din ang mga imbestigador sa isyu ng quarry sa Infanta bilang isa sa posibleng motibo sa tangkang pagpatay kay America.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng SITG “America”, sabi pa ni Villanueva.
Si America ay kilala bilang mahigpit na tumututol sa quarry operation sa kanilang bayan.
Ngunit noong Marso 11, iginiit ni America na ang tangkang pamamaslang sa kanya ay dahil sa “pulitika”.
Si America ay muling kumakandidato bilang alkalde sa kanyang ikatlong termino sa ilalim ng Nacionalista Party kalaban ang dalawa pang kandidato. (NILOU DEL CARMEN)
135