SA tuwing sasapit ang Semana Santa, naging kalakaran sa maraming mga tagapanalig ng Simbahang Katoliko ang mga gawaing gumugunita sa mga huling sandali ni Hesukristo sa lupa kapiling ang mga tao.
Subalit sa paglipas ng panahon, unti-unting nawawaglit ang tradisyon – kundi man obligasyon ng mga Kristiyanong Pilipino. Ang mga sagradong araw, mistulang pagkakataon para sa mahabang pahinga habang ang iba naman ginugol ang deklaradong pista opisyal para magbakasyon at maglamyerda.
Sa gitna ng kabi-kabilang problemang dulot ng pandemya, ekonomiya, laganap na katiwalian, pagsasamantala at maruming pulitika, higit na angkop na ituon ang buong linggo ng Semana Santa sa pagninilay.
Sa halip na bonggang pasyalan, samantalahin ang bakasyon hindi lamang upang ipahinga ang katawang lupa at isipan para mapanatag ang ating kalooban at mapalakas ang ating kaluluwa. Ito rin ang pagkakataon para ang lahat ay sabayang manalangin para sa bansa at ating kapwa.
Sa pagninilay, isipin ang mga bagay na nakaliligtaang gawin at mga bagay o mga taong nararapat pinagtutuunan ng pansin tulad ng pamilya. Bakit ba kulang ang ating oras sa kanila? Paano ba mabibigyang solusyon ang kapos na oras na halos kainin na ng pagkayod.
Ang totoo, ang pagninilay ay isang mabisang paraan para makaiwas sa stress sa responsibilidad na kalakip ng trabaho. Ito rin ang natatanging panahong pwedeng magsama-sama ang pamilya para manalangin, humingi ng tawad sa isa’t isa at magparamdam ng pagsasabuhay ng mga aral na ibinahagi ni Hesukristo.
Maging ang problema, mas madaling matutugunan kung may sapat na panahon ng taimtim na panalangin at pag-iisip katuwang ang pamilyang kinabibilangan.
Para sa mga taong pakiramdam ay nag-iisa, pinakamainam ang pagninilay kung saan pwedeng madama ang presensya ng Panginoon sa tuwing may problema.
Pag-asa rin ang dala ng pakikipag-usap sa Panginoong tanging nagbibigay lunas sa karamdaman, pag-iisa, kawalang problema at maging sa mga taong naliligaw ng landas at waring hindi makita ang tamang direksyon.
Ang lahat ng problema’y tiyak na may solusyon. Hindi kailanman tayo bibigyan ng suliraning hindi natin kayang bigyan ng lunas. Ang tanging dapat nating gawin ay ang pagbabalik-loob sa kanya at sigurado ang kanyang pagtugon.
Kahit kailan, hindi tumalikod ang Panginoon sa mga naniniwala sa kanya. Sa ating daing at kahilingan, ang tangi niyang tugon ay “OO”, kundi man “teka lang.”
Higit sa lahat, gamiting pagkakataon ang Semana Santa para magpasalamat sa walang hanggang biyaya.
421
