PAGKAKAISA NG OLONGAPO AT SUBIC BAY FREEPORT

NAPAKAHALAGA para sa Lungsod ng Olongapo ang pagiging kasangga ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na tagapamahala ng Subic Bay Freeport.

Ito Ang Totoo: ang freeport ay dating base militar ng mga Amerikano na noon ay pangunahing pinagmumulan ng kabuhayan ng mamamayan ng lungsod.

Nang maging freeport ito pag-alis ng mga Amerikano noong 1992 halos 30 taon na ang nakararaan, nananatili pa ring naka-sandal ang Olongapo sa freeport, kapwa sa larangan ng negosyo at trabaho.

Bunga nito, mahalaga na ang pamunuan ng Olongapo at SBMA ay nagkakasundo at ­nagtutulungan.

Nitong nakaraang Marso ay itinalaga ng Malacañang bilang SBMA Chairman and Administrator si Rolen C. Paulino, Sr., dating mayor ng Olongapo at ama ng kasalukuyang mayor na si Rolen C. Paulino, Jr.

Ikinatuwa ito ng marami dahil bentahe nga naman sa pagkakaroon ng magandang relasyon ng SBMA/Subic Bay Freeport at Lungsod ng Olongapo ang ­pagiging mag-ama ng mga namumuno sa mga ito.

Ito Ang Totoo: pagkaupong-pagkaupo ni Rolen Sr. bilang SBMA Chairman and Administrator, agad na hiniling ni Rolen Jr. ang pagbubukas ng ilang gates sa perimeter ng Freeport, partikular sa may bahagi ng Bgy. East Bajac-Bajac.

Marami kasing residente ng Olongapo ang nakatira sa ­naturang perimeter at, ayon kay Rolen, Jr., ang pagbubukas ng gates ay makatutulong sa panahon ng emergency bukod sa ginhawa ng mga ordinaryong manggagawa ng lungsod na nagtatrabaho sa mga kumpanya sa loob ng Freeport.

Gayunman, may ilan, lalo na ang mga dayuhan na nakatira sa sa loob ng freeport, partikular sa Kalayaan Housing, ang nag-iingay sa social media laban sa pagbu­bukas ng naturang gates.

Baka raw kasi ito magsanhi nang paglala ng insidente ng nakawan na dati nang naranasan sa nakaraan ng ilan at mula sa Olongapo ang mga pinagbintangan.

Ito Ang Totoo: hindi naman binuksan ang naturang mga gates para gamitin ng kahit sino na lang.

Ayon kay Rolen Sr., ang kasunduan ay mga residente lamang na may ID bilang patunay na nakatira sila sa may perimeter, ang papayagang dumaan.

May sistema ring paiiralin para hindi maabuso ang paggamit sa gates, aniya.

Kung tama o mali ang ­desisyon ni Rolen Sr. kaugnay ng posibleng paglala ng nakawan dahil sa pagbubukas ng gates, panahon ang huhusga.

Pero sa aspeto ng paglalapit at pag-iisa ng SBMA/Subic Freeport at Lungsod ng Olongapo, ito ay hakbang upang maramdaman ng mga taga-lungsod na ang Subic Freeport ay sadyang nariyan para sa kanilang kapakanan. Ito Ang Totoo!

452

Related posts

Leave a Comment