IDINEKLARA ng Malakanyang ang araw ng Martes, Mayo 3, 2022 bilang national holiday bilang obserbasyon sa pagtatapos ng Eid’l Fitr.
Unang inanunsiyo ng Grand Mufti of the Bangsamoro Darul Ifta na magsisimula sa Mayo 2 ang Eid’l Fitr.
Isa ang Eid al Fitr sa dalawang pinakaimportanteng holiday ng mga Muslim.
Sa panahon ng Ramadan, nagpa-fasting ang mga debotong Muslim mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito bilang paggalang sa buwan kung saan ang Quran, holy text ng mga Muslim, ay nahayag sa propetang si Mohammed. Ang Eid Al Fitr ay selebrasyon ng katapusan ng kanilang fasting.
Walang “fixed date” ang Eid Al Fitr, nagsisimula kapag lumabas na ang new moon.
Maaaring ibig sabihin nito ay hindi sabay-sabay magdiriwang ang mga Muslim ng Eid Al Fitr.
Karamihan sa kanila ay sinusundan ang paglabas ng new moon sa Mecca, ang kanilang holy city, bilang reference.
Tumatagal ng halos tatlong araw ang holiday na ito.
Tuwing Eid Al Fitr, ang mga araw nila ay nagsisimula sa pagligo at pagsusuot ng bagong damit bago ang pagdarasal.
Kaugnay nito, nakiisa ang lider ng mababang kapulungan ng Kongreso sa mga Pilipino Muslim na nagselebra ng kanilang Eid’l Fitr.
“We would like to extend our warmest greetings and best wishes to our Muslim brothers and sisters celebrating Eid’l Fitr, the culmination of the holy month of Ramadan,” ani House Speaker Lord Allan Velasco.
“The entire nation joins the Muslim community in the celebration not just to honor the country’s Islamic heritage, but also to recognize and appreciate the many achievements and contributions of Muslim Filipinos to peace- and nation-building,” dagdag pa ni Velasco. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
186
