KURYENTE SA OFF-GRID AREAS, KAILANGANG TUTUKAN

NAPAKALAKI ng epekto ng pandemya sa mga negosyo dahil sa pabalik-balik na pagpapatupad ng lockdown upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Ngunit sa kabila nito, ang mga kumpanya ay hindi nagdalawang-isip na unahin ang pagtulong sa mga taong higit na nangangailangan.

Kabilang dito ang Manila Electric Company (Meralco) na tiniyak ang kapakanan ng mga konsyumer, at naging pruweba rito ang mga produkto at serbisyo, at pagsasagawa ng iba’t ibang paraan upang mapababa ang power rates, gayung ang naturang industriya ay isa sa mga malaking salik sa inflation rate.

Ngayong Mayo, bumaba ng 12 sentimo kada kilowatthour (kWh) ang rates ng Meralco kahit pa tumaas ang singil sa power generation. Ito ay katumbas ng P24 na bawas sa electricity bill sa kada customer na kumukunsumo ng 200 kWh kada buwan.

Ang mataas na generation charge ay na-offset dahil sa P0.9353 kada kWh na refund ng Meralco na kinabibilangan ng P0.4669 kada kWh na refund na ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Kung ating ikukumpara sa ibang power distributor, ang rate ng Meralco ay nananatiling mas mababa, at ang nakalipas na ­bakasyon namin sa Palawan ay naging pruweba rito.

Matapos ang dalawang taon ng pandemya, nabigyan ako ng pagkakataong lumipad patungong Puerto Princesa, na isang kahanga-hangang lugar dahil sa ganda ng tanawin nito. Ngunit nabahiran ito ng hindi magandang karanasan dahil sa pawala-walang kuryente na hindi bababa nang tatlong beses kada araw.

Ikinagulat ko pa ang diumano’y P30 kada kWh na bayad sa kuryente, ayon sa staff ng hotel na aming tinuluyan. Ayon dito, kasama na sa gastos ang paggamit ng mas mahal na diesel upang paganahin ang mga generator set at mapagsilbihan ang mga customer 24/7.

Hindi rin nakatulong na walang import terminal ang Palawan at higit na naging hamon ang logistik na lubos na nagpataas sa ­presyo ng petrolyo, na nasa higit P90 kada litro noong ako ay nasa Palawan.

Kung ating tatanggalin ang diesel sa equation, nasa P10.09 ang residential rate ng Palawan Electric Cooperative (PALECO). Samantala, nasa P9 ang singil sa commercial at industrial ­customers. Mas mataas pa sana ito kung wala ang subsidiya sa Universal Charge for Missionary Electrification na ibinibigay sa mga electric cooperative sa mga off-grid at malalayong lugar.

Kilala ang Palawan sa kahanga-hanga nitong ganda at mayroon pa itong potensyal kung mabibigyan lamang ito ng mas maayos na suplay at mababang presyo ng kuryente.

Bukod sa isa ito sa mga konsiderasyon ng mga negosyante sa kanilang diversification, karapatan din ng mga Palaweño na mabigyan sila ng maayos na serbisyo.

Dapat pagtuunan ng susunod na administrasyon ang energization ng mga lugar na walang maayos na serbisyo ng kuryente tungo sa layuning ilawan ang bawat lugar sa Pilipinas.

Inilatag na rin ni Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Agnes Devanadera—na naging napaka-aktibo sa koordinasyon sa industry stakeholders sa isyung makaaapekto sa consumer ­interest—ang mga ideya at mga agarang plano na naglalayong ayusin ang sistema ng kuryente at petrolyo sa ating bansa.

Kabilang na rito ang suspensyon ng fuel at coal excise tax, VAT computation sa mga gross receipt ng distribution utilities upang maiwasan ang double taxation sa ibang mga item, pagpapatuloy ng fuel subsidy para sa mga pampublikong sasakyan, at ang pagtigil sa koleksyon ng universal charges.

86

Related posts

Leave a Comment