P1-B UPA KADA TAON NG PHILIPPINE NAVY SA DATING HANJIN SHIPYARD

ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO, JR.

POSITIBO ang pagtanggap ng karamihan sa selyado na muling pagbubukas ng dating shipyard sa Subic Bay Freeport nang nabangkaroteng Hanjin.

Ito Ang Totoo: kahit kasi napakababa ng pasahod sa Pilipino ng Hanjin noon, marami naman ang na-empleyo nito na tinatayang umabot sa 30,000 manggagawa.

Ibig sabihin, marami ang umaasa na magkakaroon muli ng trabaho lalo na ang naturang 30,000 at kanilang mga pamilya, daang libo na iyan kung susumahin talaga.

Ito Ang Totoo: hindi maliwanag kung ang tipo ng negosyo, kung negosyo nga, ang paggagamitan ng may 300 hektaryang pasilidad ng dating Hanjin ay lilikha ng 30,000 trabaho, kahit 20,000 o kaya 10,000 o kahit nga 5,000 na lang.

Isandaang (100) ektarya sa 300 ay mapupunta sa Philippine Navy at dahil ito ay military facility, walang maaasahang lilikhaing trabaho para sa mga taga-Olongapo, Zambales, Bataan at Pampanga na nakapalibot sa Subic Bay Freeport.

Ang natitirang 200 hektarya ay mapupunta sa Vectrus, Inc., isang Defense contractor ng US Military. Bagama’t malamang magandang magpasweldo dahil US company, hindi ito maikukumpara sa tagagawa ng dambuhalang barko gaya ng Hanjin pagdating sa paglikha ng trabaho.

Ito Ang Totoo: uupa ang Philippine Navy ng ­napakalaking halaga na P1B kada-taon sa ­dating Hanjin na ngayon ay tatawagin nang Agila Shipyard para daw pagdaungan ng ilang barko ng sangay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Maganda raw kasi ang lugar na nakaharap sa West Philippines Sea, para bang akala mo naman lalabas at haharap sa mga barko o kahit bangka mula China na naglipana sa karagatang inaari na nila – ng bansang China.

Sa ngayon, libre naman na nakadaong sa mga pantalan ng Subic Bay Freeport ang hindi naman naglalakihang barko ng Pilipinas kaya palaisipan kung bakit kailangan umupa ng halagang bilyong piso kada taon ang ­Philippine Navy sa Agila Shipyard.

Ito Ang Totoo: ang dating base ng mga Amerikano sa San Miguel, San Antonio, Zambales, ilang kilometro sa Norte ay ginagamit na rin ng Philippine Navy mula pa nang umalis ang mga Amerikano noong 1992.

Pero kung ambag sa komunidad, hindi ito nagbibigay ng benepisyo sa mamamayan gaya ng maibibigay kung ito ay ginamit sa negosyo. Katunayan, maraming lupain na sakop ng noo’y US Naval

Base ay pinakikinabangan lang ng ilang opisyal at/o dating opisyal, at tauhan ng Philippine Navy.

Ito Ang Totoo: kailangang tingnan ang tunay na motibo ng mga nasa likod ng pag-upa ng ­Philippine Navy ng P1B kada taon sa Agila Shipyard.

Talaga bang ito ay para sa interes ng bayan o baka naman sa iilan lamang? Ito ay ating tututukan para sa bayan para ang mga kinauukulan ay kumilos naman.

Ito Ang Totoo!

143

Related posts

Leave a Comment