SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija – Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Vietnamese leader ng notorious lending gang na nag-ooperate sa Batangas at iba pang lugar sa Luzon.
Kinilala ang suspek na si Vo Van Tai, 26-anyos, naaresto ng mga operatiba ng BI’s Intelligence Division sa Purok Rosal, Poblacion West sa Science City ng Muñoz, Nueva Ecija, sa bisa ng mission order na inisyu ni BI Commissioner Jaime Morente.
Arestado rin ang kanyang mga kasama na kinilalang sina Vo Khac Binh, lalaki, at Vo Thi Mai, babae, pawang nasa 49-anyos.
Si Vo Van ang lider umano ng sindikato na sangkot sa ilegal na pagpapautang, pananakit at kidnapping sa mga biktimang
hindi nakababayad ng kanilang utang.
Nauna rito, ang BI ay nakaaresto ng 8 iba pang miyembro ng gang, na nahuli sa Lemery Batangas noong nakaraang Abril 28. (JOEL O. AMONGO)
212 