TULAD ng inaasahan, lumobo na naman ang bilang ng mga nagpositibo sa nakamamatay na karamdamang kalakip ng pandemya.
Subalit sa halip na pag-ingatin ang mamamayan, tila minaliit pa ng isang epal mula sa hanay ng mga “eksperto” ang 200 bagong talang kumpirmadong kaso ng COVID-19. Ayon sa Octa Research Group, isang organisasyong kinabibilangan ng mga henyo sa matematika, walang dapat ikabahala ang publiko.
Sa datos ng Department of Health (DOH), tumaas ng 2% ang daily case average kumpara sa nakalipas na linggo. Pero ang giit ng Octa – “slight” at “very slow” pa naman daw ang pag-akyat ng bilang ng mga tinamaan ng pesteng COVID-19 sa Metro Manila.
Banayad man o mabagal ang pagdami ng mga apektado, hindi angkop na maliitin ng mga taong walang alam sa larangan ng kalusugan ang banta ng pandemya.
Kung susuriin ang datos ng Octa, parang hindi naman husto – kundi man atrasado. Dangan naman kasi, ang naging batayan nila’y base lang sa impormasyong nakalap mula Mayo 16 hanggang 22 kung saan wala pa sa 1% ang daily attack rate.
Maliit man ang idinagdag, dapat pa rin sigurong pagtuunan para lamang tiyaking hindi na tayo malalagay muli sa kompromiso dahil hindi nakapaghanda o nakapag-ingat man lamang ang sambayanang Pilipino.
Base sa mga impormasyong isinapubliko ng DOH, 72 ang nadagdag sa National Capital Region (NCR) nito lamang nakalipas na linggo – katumbas ng 36% ng kabuuang dami ng naitala ng nasabing departamento.
Bukod sa average daily attack rate, tumaas din sa 1.08 ang “reproduction number” sa Metro Manila mula sa dating 1.02 – pasok sa kategorya ng “moderate.”
Ang positivity rate – o yaong bilang ng mga positibo mula sa hanay ng mga sumailalim sa COVID-19 test, hindi rin nagpa-iwan. Mula sa 1.2% na naitala mula Mayo 16 hanggang 22, pumalo na sa 1.4% nito lamang nakaraang linggo.
Ang healthcare utilization, nagpamalas din ng bahagyang pagtaas.
Isa lang ang ibig sabihin ng lahat ng ‘yan.
Lumolobo na naman ang peligro. Pero ang giit ng “iskolar” na si Dr. Guido David ng Octa, “low-risk level” pa rin ang Metro Manila.
Hay naku! Ah basta, ibayong ingat na lang po muna tayo. Bawal magkasakit. Walang pera ang gobyerno!
191 