KARANASAN SA NAKARAANG HALALAN

PUNA Ni JOEL AMONGO

MAPALAD tayo na naging bahagi tayo ng kasaysayan ng ating bansa.

Nitong katatapos na May 9, 2022 national and local elections ay naging aktibo tayo sa usapin ng pulitika sa lantaran nating pagsuporta kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Nariyan na bumuo tayo ng Pinoy Kami for BBM, isang volunteer group para makatulong tayo sa ating pinaniniwalaang presidentiable na si BBM.

Naniniwala kasi tayo na malinis ang kanyang hangarin para sa kinabukasan ng mga Pilipino.

Naalala ko pa noong minsan magkasama kami ng aming big boss sa Peryodiko Filipino Incorporated (PFI) na si Atty. Vic ­Rodriguez sa Wilnor Company sa San Pedro, Laguna.

Una kaming dumating sa Wilnor para i-cover ang event ng nasabing kumpanya.

Nang panahon na ‘yan ay kalalabas pa lamang ng desisyon ng Korte Suprema na talo sa kanyang protesta si BBM laban kay Leni Robredo.

Maya-maya pa ay dumating na si big boss Atty. Vic sa Wilnor Company at sinalubong ko siya at tinanong ko siya, “Boss, ano na po tatakbuhan natin?”, “presidente na!” sagot niya sa akin.

Agad akong nag-isip na bumuo ng grupo kung kaya’t nabuo ko ang Pinoy Kami for BBM at sinabi ko sa kanya, “Boss, may binuo po akong volunteer group tulong ko po ito kay BBM”, “Good Joel, maganda ‘yan ituloy mo ‘yan,” sagot niya uli sa akin.

Una kong kinumbinsi ang aking mga kaklase noong high school lalo ang mga nasa abroad na sumama sa akin sa Pinoy Kami for BBM, kabilang na si Jemar Misones Quilona na nasa United Kingdom.

Sa simula ay nahirapan akong mangumbinsi, subalit dahil sa tulong ng iba’t ibang vlogger at Facebook live ay unti-unting lumutang ang magandang panawagan ni BBM na pagkakaisa (unity) sa mga Pilipino.

Kalaunan ang mga kinumbinsi kong sumama sa aking Pinoy Kami for BBM ay sila mismo ang mga nanguna sa kani-kanilang mga kinaroroonan na iba’t ibang bansa para tumulong at ikampanya sa lahat ng mga kababayan natin na suportahan ang kandidatura ni BBM.

Sila na rin ang naging taga­subaybay natin sa aking FB live na Ako’y Pinoy, YouTube channel na KAKAL TV at sa kolum na PUNA sa SAKSI NGAYON Newspaper, partikular kong tinatalakay ang may kaugnayan kay BBM.

Nasama rin tayo sa pinakamalaking grupong BBM Pilipinas sa pangunguna nila Atty. Fred Bayan, bilang founding chairman, Pareng Ariel Defensor, bilang presidente at ako ang kanilang hinirang na chairman ng Media Affairs Committee.

Ang pinakamalaking grupong ito ay sumuporta rin kay BBM noong tumakbo siyang vice president laban kay Robredo.

Dahil na rin sa gabay ng ­aming adviser na si sir Martin Araneta, kapatid ni Ma’am Liza Araneta Marcos, ang bagong first lady, ay lalo pang lumakas ang BBM Pilipinas hanggang umabot ito sa lahat ng sulok ng mundo kung saan may mga Pilipino na nakatira at nagtatrabaho.

Naniniwala ang PUNA na ang panawagan na pagkakaisa ni BBM ang siyang nag-udyok sa mga Pilipino na suportahan siya sa kanyang layunin.

Kung kaya’t ito ay nagbunga kaya nakakuha siya ng 31 million boto na nagresulta ng lamang niya kay Robredo na 16 million mula sa boto ng katunggali niyang 14 million.

Naramdaman ko rin at ­maging ng nakararaming Pilipino ang sinsiridad ni BBM sa kanyang panawagan ng pagkakaisa.

Ang pawagan na ito ni BBM na pagkakaisa ang nagpaantig sa mga puso ng mga Pilipino na siya na nga ang inaasahan na magpapaahon sa ating bansa at manunumbalik ang pagiging matulungin o “bayanihan” ng lahi ni Juan Dela Cruz.

Ramdam na ramdam ang tunay na pagkakaisa ng mga Pilipino sa isinagawang miting de avance ng BBM-SARA UniTeam sa Philippine Arena sa Sta. Maria, Bulacan na kung saan nakaranas ng pananayo ng kanilang mga balahibo ang mga dumalo sa nasabing okasyon.

Naramdaman din ito sa huling miting de Avance ng BBM-SARA UniTeam sa may Solaire Hotel sa Parañaque City noong Mayo 7, 2022, sapagkat sa kabila ng napakaraming dumalo ay hindi nakaranas ng pagtutulakan sa halip ay nagtutulungan at nagbibigay sila ng kani-kanilang mga baon.

Bilang naging bahagi tayo ng kasaysayan ng kauna-unahang “Majority President” sa ating bansa ay naniniwala ako na dito na magsisimula ang muling pagbangon nating mga Pilipino at maibalik ang respeto sa atin ng ibang lahi sa buong mundo.

Nagpapasalamat din tayo sa gabay sa atin ni Atty. Rodriguez na aming big boss na hinirang na bagong executive secretary.

Binabati rin natin ang isa pa naming big boss na si ex-­Congressman Antonio ­Lagda­­meo, Jr. na magiging special assistant to the president sa ilalim ng administrasyon ni BBM.

Mabuhay po kayo, mga ­bossing! Mami-miss namin kayo sa PFI!

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

296

Related posts

Leave a Comment