BIGO si Filipino boxer Aston Palicte sa kanyang laban kay Jason Moloney kahapon sa main undercard ng George Kambosos-Devin Haney fight sa Marvel Stadium sa Melbourne, Australia.
Tinalo ni Moloney si Palicte via 3rd round TKO.
Si Palicte, dalawang beses naging world title challenger, ay maagang nagpakawala ng uppercuts kay Moloney sa first round.
Bumawi si Moloney, gaya ni Palicte dalawang beses ding sumabak sa world championships, isa na rito ang 7th round KO loss kay Japanese champion Naoya Inoue, sa second half ng first round sa pagpapakawala ng kanan sa ulo ng Pinoy boxer.
Mas naging agresibo ang 31-anyos na si Moloney (24-2, 19 KOs), sa ikalawang round, kung saan naging maaksyon ang laban sa palitan ng mga suntok.
Pagsapit ng ikatlong round, sinubukang mas maging agresibo ni Palicte (28-5-1, 23 KOs) habang bumibitaw ng uppercuts, nang lumusot ang kanan ni Moloney, sapol sa panga si Palicte, bumagsak. Nagawang makatayo ng Filipino fighter, subalit pinaulanan siya ng suntok ng Australian opponent.
Isang left-right combination ang muling nagpabagsak kay Palicte at dito na inawat ni referee Ignatius Missailidis ang sagupaan, 2:35 at ihatag kay Moloney ang panalo.
Sa tampok na sagupaan, dinomina ni Devin Haney si George Kambosos sa loob ng 12 rounds upang tanghaling undisputed light champion.
Nagtala ang 23-anyos mula Las Vegas ng unanimous decision win, 116-112, 118-110 at 116-112 mula sa tatlong hurado ng labang sinaksihan ng 41,129 manonood. (VT ROMANO)
