MGA HAMON SA CYBERSECURITY FRONT

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

BAGAMA’T halos kasado na ang lahat kaugnay ng mga paghahanda sa pagpasok ng administrasyon ni ­incoming President Ferdinand ­’Bongbong’ Marcos Jr., may ilang aspeto pa rin ng kanyang pamamahala ang kailangang bigyang pansin at halaga.

Isa sa mga ito ay ang kakulangan ng mga dalubhasa sa cybersecurity sa bansa, na kung hindi mabibigyang ­solusyon sa mas maagap na panahon ay maaaring maka­apekto hindi lamang sa seguridad kundi maging sa pag-unlad ng ating ekonomiya.

Lumalabas kasi sa ilang pag-aaral na gaya rin naman sa mga kalapit-bansa natin sa Asya, nahihirapan ang mga lokal na kumpanya na makahanap ng cybersecurity experts.

Mahalaga kasi ang papel na ginagampanan ng mga propesyonal na tulad nila para masiguro na ligtas sa anumang uri ng pag-atake o hacking ang mga sensitibong datos at impormasyon na iniingatan ng mga kompanya.

Batid naman nating lahat na mas nagiging sophisticated at hi-tech na ang cyber criminals kaya nararapat lamang na maging mas mahusay ang mga nagbabantay at lumalaban sa kanilang pag-atake.

Sa isang pag-aaral na ginawa ng anti-virus software developer na Fortinet, luma­labas na 71% ng mga ­kumpanya ang nagsabi na nahihirapan silang makahanap ng ­cybersecurity experts.

Ipinaliwanag niya na habang dumarami ang mga kumpanya na nagma-migrate sa cloud at automation, lalo naman na nahihirapan na silang makahanap ng cyber­security experts.

Lumabas rin sa survey na aabot na sa 80 porsyento ng mga kumpanya ang nagsusulong na para kumuha ng mga eksperto sa cybersecurity dahil na rin sa tumitinding pag-atake ng hackers.

Dahil nga sa mga ­suliraning ito na kinakaharap ng mga ­pribadong kumpanya, nararapat lamang na mapaghandaan din ito ng paparating na ­administrasyon ni BBM.

Kung dati kasi ang giyera ay ginagawa ng mga bansa base sa puwersa ng kanilang mga sandatahang lakas, gaya ng pag-atake ng mga eroplano at barkong pandigma, kakaiba na ngayon ang mga hamon na ating kahaharapin dahil na rin sa makabagong teknolohiya at maging ng internet.

Kaya naman malaking hamon ito kay Secretary Ivan Uy ng Department of Information and Communications ­Technology, para mas lalo pang palakasin ang kapasidad ng ating online infrastructure at facilities.

Mahalagang matugunan kaagad ang sitwasyon na ito para matiyak na rin ang katatagan at seguridad hindi lamang ng ating ekonomiya kundi ­maging ng ating national security.

236

Related posts

Leave a Comment