AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG TAON na ang nakalipas noong dumulog sa AKOOFW ang pamilya ni Sabrina Tarang upang ipanawagan ng tulong ang pagpapauwi ng kanyang labi mula sa Saudi Arabia.
Sa mensahe na ipinadala ng kanyang kamag-anak ay sinabi nito: “Gusto lang po namin na mauwi na po dito ‘yung katawan ng aking kapatid na si Tarang Sabrina Abol, siya po ay pumanaw na nun August 20, 2021 sana po tulungan po ninyo kami makamit ang hustisya para sa kapatid namin na namatay. Maraming salamat po.”
Agad tayong nakipag-ugnayan kay Ambassador Adnan Alonto upang hingiin ang kanyang tulong.
Ngayong araw ay inaasahan ang pagdating ng bangkay ni OFW Sabrina na lulan ng Emirates Airlines.
Ang AKOOFW ay nakipag-ugnayan sa OWWA E-Care na pinamumunuan ni Dir. Sherilyn Malonzo upang matulungan ang pamilya ni OFW Sabrina na mabilis na mailabas sa cargo terminal ang bangkay nito.
***
Samantala, sa Biyernes, Hunyo 10, ay ating panauhin sa ating programang BANTAY OFW sa DWDD 1134KHz mula alas-6:00 ng gabi si Brigadier General Ching Plaza, commander ng 1st Air Wing Command, upang talakayin ang mga programa ng Philippine Air Force Reserve Command.
Kabilang sa ating tatalakayin ang mga gawain, requirements at benepisyo bilang isang reservist.
Pag-uusapan din natin ang employment at reintegration program ng Philippine Economic Zone Authority na pinamumunuan din ni Gen. Plaza bilang Director General ng PEZA.
***
Kamakailan ay nagsagawa ng isang maliit na rally ang ilang nagpakilalang mga OFW sa harap ng BBM headquarters sa Mandaluyong upang ipanawagan kay Pres. Bongbong Marcos Jr. na irekonsidera nito ang ginawang appointment kay incoming Secretary Susan Ople sa kadahilanan na ito diumano ay may malubhang karamdaman.
Ang hakbang na ito ay hindi nagustuhan ng karamihang OFW lalo na ang mga lider ng iba’t ibang grupo sa kadahilanang si Sec. Toots Ople bagaman dumaan sa chemo therapy dahil sa kanyang stage 2 breast cancer, ay nakaligtas at naagapan ang karamdaman niyang ito.
Maging ang AKOOFW ay naniniwala na mas higit na nararapat na maging kalihim ng Department of Migrant Workers si Sec. Toots Ople. Hindi naman utak at puso ang apektado kay Ople.
