SOBRA SA PAANDAR

GIIT ng Malakanyang, ang pagsibak sa 41 kawaning sangkot sa kontrobersyal na “pastillas scam” ay patunay na walang lugar ang mga tiwali sa ilalim ng administrasyon ng paretirong Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung tutuusin, magandang balita naman ang dala ng pasya ng Office of the Ombudsman hinggil sa bulilyasong kinasangkutan ng mga opisyales at tauhan ng Bureau of Immigration na pinaniniwalaang nagkamal nang husto gamit ang pwesto sa gobyerno.

Ang siste, isa lamang ang pastillas scam sa mahabang talaan ng mga bulilyasong naganap sa ilalim ng pamamahala ni Duterte.

Sa umpisa pa lamang ng termino ng tubong Davao City na Pangulo, agad sumambulat ang pagpupuslit ng nasa P11-bilyong halaga ng droga. Ang tanong – napanagot ba ang noo’y Customs Commissioner Nicanor Faeldon?

Nang pumutok ang pandemya, sumingaw rin ang kabi-kabilang katiwaliang kumaladkad sa kanyang paboritong sekretaryo – si Francisco Duque at dating PhilHealth President na si retired general Ricardo Morales na inginusong magkasabwat sa bulilyasong interim reimbursement mechanism. Tanong ulit – napanagot ba sila?

Sa kasagsagan ng pandemya, maging ang mga taong-gobyernong dapat sana’y huwaran ng publiko ang mismong promotor sa paglabag ng mga itinakdang restriksyon – tulad ni dating PNP chief General Debold Sinas na nagawa pang magpa-party na tinawag niyang “mañanita” sa kanyang kaarawan habang ang lahat ay ­bawal lumabas ng kani-kanilang tahanan.

Nariyan din si Senador Aquilino Pimentel na nagawa pang gumala pagkatapos lumabas ang resulta ng kanyang pagsusuri – positibo sa nakamamatay na COVID-19.

Hindi rin nagpaiwan sina dating presidential spokesperson Harry Roque at dating presidential legal counsel Salvador Panelo na hilig naman ay mag-videoke sa gitna ng mga restriksyong binalangkas at ipinatupad ng kanilang kinabibilangang gobyerno.

Makakalimutan ba ng mamamayan ang Pharmally scandal na kumaladkad sa mga taong higit na kilalang malapit sa Palasyo? Anyare kina dating presidential economic adviser Michael Yang at dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao?

Ang totoo, hindi sapat ang espasyo ng pahayagan para isa-isahin ang mga tiwali sa ­gobyernong pinamumunuan ng magreretirong si Duterte. Sa puntong ito, hindi marahil angkop na ipagpilitan ng Palasyo ang pagiging malinis ng papatapos na administrasyon.

Sapat na marahil na maraming nagawa ang administrasyong Duterte. Pero ang magmalinis – hindi naman yata pwede.

185

Related posts

Leave a Comment