TECHNICAL SMUGGLING MABUBURA SA PROGRAMA NG PPA

PRO HAC VICE Ni BERT MOZO

NARARAPAT lamang suportahan ang Administrative Order o AO No. 04-2021 na inisyu ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Daniel Santiago na ipinalabas noong September 2021, na maaaring makatulong upang mapigilan o maibsan na ang ismagling sa bansa.

Hindi na bago sa ating pandinig ang diumano’y talamak na ­smuggling activities sa Pilipinas, na tila nagiging kanser na at pangunahing pinoproblema na rin ng Bureau of Customs (BOC). Ito ay dahil lahat na yata ng mga produkto ay ini-smuggle na.

Kung ating pagbabasehan, talamak na diumano ang technical smuggling at misdeclarations na nagaganap sa BOC.

Halimbawa na lamang dito ‘yung reklamo ng ilang magsasaka na ultimo gulay ay ini-smuggle na idinedeklarang piyesa ng bisikleta at iba pa, subalit gulay pala.

Kumbaga, pangkaraniwan na raw iyan.

Noong mga nakaraang taon, bago ang halalan ay sumabog ang isyu ng agri smuggling at maging ang ilegal na droga kung saan ay nagsagawa pa nga ng pagdinig dito ang Senate blue ribbon committee.

Kung tuluyan nang maipatutupad ang nakasaad sa direktiba ni PPA GM Santiago kaugnay ng kinukuwestyung container monitoring policy ay malaki ang magiging tulong nito upang maibsan ang mga pagpapalusot ng mga kontrabando sa bansa at mababayaran pa ng tamang taripa o buwis ang mga ipinapapasok na produkto sa Pilipinas.

Ayon nga kay Eugenio “Jun” Ynion, President/Chief Executive Officer (CEO) ng Cebu City-based Nextix, Inc./Shiptek Solutions Corp. joint venture (JV), na nanalong bidder para sa naturang proyekto, ang AO ng PPA na nagtatakda ng mga polisiya sa pagpaparehistro at pagmo-monitor ng mga container sa pamamagitan ng isang technology solution, ay mas magpapabilis na sa pagproseso ng mga ­kakailanganing dokumento ng mga parating at palabas ng container van sa bansa.

Kumbaga, gagawin nang high-tech ang scheduling, loading, unloading, release, at movement ng mga container sa bansa kaya malalaman na kung kanino, sinong driver, at kung saan ang ruta ng mga ito.

Paliwanag pa ni Ynion na dahil sa naturang teknolohiya ay magkakaroon na ng container identification, accountability, at protection program na sang-ayon na rin sa international standards.

Kinontra rin ni Eugenio Ynion ang agam-agam ng ilang tutol sa naturang proyekto na labag daw sa Ease of Doing Business Act ang polisiyang ito dahil ang layunin nito ay magkaroon ng transformation mula sa manual patungong automation na maihahambing sa ating ­automated election na mas efficient kumpara sa manu-mano.

Bukod dito, ayon kay Ynion, hindi rin maaapektuhan ng AO ang National Competition Policy lalo pa’t magkakaroon pa raw ng ­maraming transactions ang mga trucker dahil ito’y magiging online na.

Paliwanag pa ni Ynion, malabo rin ang sinasabing inefficiencies dahil pabor pa nga raw ito sa mga negosyo, kasama na ang micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Sa pamamagitan, aniya, ng gagamiting sistema ay maaalis ang P15,000-P30,000 per container deposits at mapabibilis ang usad ng mga container sa mga pantalan.

Kaya kung magbubukas naman pala ang monitoring policy na ito ng transparency at accountability sa industriya, aba’y hindi ito dapat katakutan at dapat itong suportahan.

Magdudulot pa ito ng progreso sa maraming sektor at sa palagay ko, ang dapat kabahan dito ay ang mga ayaw ng pagbabago at ang mga posibleng tatamaan dito.

Samantala, aabot naman sa P877.600 milyong halaga ng kontrata ang naigawad sa kompanya nina Eugenio Ynion para sa Trusted Operator Program-Container Registry Monitoring System (TOP-CRMS) at empty container storage shared service facility design specifications & implementation project.

172

Related posts

Leave a Comment