SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
MAHALAGA ang talino ng isang lider at disiplina sa bawat pangkat, organisasyon, o barangay.
Sabi nga ng mga eksperto sa serbisyo-publiko, kasing halaga nito na magkaroon ang isang magaling na pinuno ng may kakayahang disiplinahin ang kanyang mga tauhan.
Maituturing na iba ang isang istriktong pinuno sa isang malupit na pinuno.
Ang pagiging istrikto ay dapat makatarungan at naaayon sa batas.
Lubhang mahalaga sa isang barangay ang magkaroon ng matibay at makatarungang batas na susundin ng bawat kasapi o residente.
Maliban dito, mahalaga nga rin ang pagiging matalino.
Hindi tumitigil ang isang matalinong pinuno sa pag-aaral upang mapalawak pa ang kanyang mga kaalaman at talento.
Sa ganitong paraan nga naman, maibabahagi niya ito sa kanyang mga tauhan.
Walang tigil niyang dinaragdagan ang kanyang kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat.
Nakikipag-usap din ito sa mga taong may angking galing at kaalaman, at kahit sa pakikinig sa kanyang mga tauhan habang tumutulong sa kanyang nasasakupan.
Ganyan si Sangguniang Kabataan (SK) Chairman Dr. Monte Tolentino ng Brgy. San Jose, Antipolo City, Rizal.
Bata pa lamang ay tumutulong na sa mga taga-barangay si Monte.
Nang pumasok ang pandemya, tuloy-tuloy ang pagbibigay niya ng ayuda sa mga residente.
Kahit ngayong kakaunti na lamang ang mga naitatalang COVID-19 cases ay patuloy siyang tumutulong.
Kahapon, June 14, sa halip na magdiwang nang pribado ay inilaan ni Monte ang kanyang oras at panahon sa pamamahagi ng tulong sa mga mamamayan.
Katuwang at suportado ng mga tanggapan nina Mayor Andeng Ynares at Brgy. Captain Benjamin Borja, nagsagawa si Monte ng feeding program sa Sitio Bagong Purok at Sitio Quarry.
Dahil dito, naihatid niya ang munting tulong sa ating mga kababayan na para sa kanila ay malaking bagay naman.
Nananawagan tuloy ang mga constituents ni Monte na tumakbo na ito sa pagka-kapitan ng barangay sa darating na eleksiyon.
Mahalaga ang kanyang serbisyo sa barangay at sa ganitong paraan ay mas mapapalawak pa ito sa mas marami pang taga-lungsod.
Mabuhay po kayo, SK Chairman Monte, Mayor Andeng at Kap Benjie!
731 