GILAS YOUTH SILAT SA JAPAN

Ni ANN ENCARNACION

BANDERANG kapos ang Gilas Pilipinas Youth laban sa Japan, 73-67, sa FIBA U16 Asian Championship, Martes sa Al-Gharafa Sports Club Multi-Purpose Hall sa Doha, Qatar.

Nagpasiklaban sina Caelum Harris ng Gilas at Yuto Kawashima ng Japan bago kinamig ng Akatsuki Five ang panalo sa importanteng laro sa Group C.

Nakontrol ng Japan ang first half sa pagtatala ng 13 puntos abante at hindi na lumingon pa nang kumamada si Kawashima ng 21 puntos.

Nanguna sa Gilas si Harris na may 18 puntos, 6 rebounds, 2 steals at 1 block. Bumawi siya sa unang laban kontra Kuwait kung saan nakaiskor lamang siya ng dalawang puntos.

Tumulong si Jared Bahay na may 12 puntos, 6 rebounds, 3 assists at 3 steals, habang ­nagdagdag si Zain Mahmood ng 10 puntos at 5 rebounds.

Sa kabila ng pagkatalo, may tsansa pa rin ang Pilipinas makapasok sa quarterfinals matapos pumangalawa sa Group C na may 1-1 record.

Makakasagupa ng Gilas Youth ngayon (Huwebes) ang Kazakhstan, na walang naipanalo sa Group D pagkatapos ng dalawang laro.

Makakaharap ng mananalo ang Australia, nangunguna sa Group A, sa quarterfinals.

204

Related posts

Leave a Comment