KONTI na lang, zero-squatter na sa baybaying lokalidad ng Angono. Ito ang paniwala ng Local Urban Development and Settlement Office (USDO) kasabay ng paglalabas ng datos hinggil sa estado ng kanilang programang palupa.
Sa ulat ni Municipal Administrator Alan Maniaol, umabot na sa 9,272 pamilya ang tagumpay na inilipat mula sa “danger zones” kung saan dati nakatirik ang kanilang mga bahay patungo sa mga itinalagang ligtas na relocation sites sa loob ng Angono.
Kabilang sa mga tinutugunang pamilya yaong mga dating nakatira sa mga gilid ng mga daluyang-tubig tulad ng ilog at sapa, mga pribadong lupa, mga lugar na sakop ng mga kalsada at ilalim ng tulay.
Ayon sa datos ng USDO, nakapagtala ng 79.88% compliance ang Angono LGU sa prosesong nagbigay-daan para mabigyan ng angkop na lilipatan ang nasa 9,272 pamilya sa ilalim ng direct buying scheme na may 4,174 benepisyaryo, Community Mortgage Program (CMP) para sa 959 pamilya, at National Housing Authority (NHA) socialized housing scheme para sa 78 pamilya.
Pinakamarami naman ang naitalang benepisaryo – 5,129 sa ilalim ng inisyatibo ng LGU auction at levied properties.
“What makes our zero squatter program is that we don’t just dump people to far places. Ang lahat ng mga hakbangin na ito ay in-city relocation. Ang paglalayo sa kanila sa kanilang pinagtatrabahuhan o paghahanapbuhay ay parang pagpapaalis sa kanila,” pahayag ni Maniaol na siya rin ang tumatayong officer-in-charge ng USDO.
Gayunpaman, aminado si Maniaol na mayroon pa rin silang natatanggap na ulat hinggil sa mga aktibidad ng professional squatting syndicates – bagay na tinutugunan naman aniya ng kanilang binalangkas na mekanismo kontra sindikato.
“Yes, I must admit meron talagang mga nagtatangkang magpasok ng mga squatter dito sa amin. Buti na lang we already have a mechanism in place that kept them at bay,” pagtatapos pa niya. (ENOCK ECHAGUE)
