PINOY NURSE NA GUSTONG MAGTRABAHO SA US DUMARAMI

PARAMI nang parami ang mga Filipino registered nurse ang gustong magtrabaho sa United States (US) kung saan mas malaki ang sahod kumpara sa Pilipinas.

Ayon kay Cebu Rep. Eduardo Gullas, umabot sa 3,713 ang kumuha ng National Council Licensure Examination (NCLEX) mula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan.

Mas mataas umano ito ng 147 percent kumpara sa 1,501 na kumuha ng NCLEX sa parehong panahon noong 2021 kahit pa nagbabayad ang mga ito ng US$200 bilang exam fees.

“Since passing the NCLEX is usually the final step in America’s nurse licensure process, the number of graduates from the Philippines taking the test for the first time (excluding repeaters) is a good indicator as to how many of them are trying to enter the U.S. labor market,” ayon sa mambabatas.

Nabatid na mula 1994, umabot na umano sa 225,551 nursing graduates ang kumuha ng NCLEX base sa regional ng National Council of State Boards of Nursing Inc. (USNCSBN) ng Amerika.

Hindi sinabi ng mambabatas kung ilan sa mga ito ang nakapagtrabaho sa Amerika subalit kabilang ang mga Pinoy nurse aniya sa prayoridad dahil bukod sa magaling ang mga ito ay marunong magsalita ng Ingles.

Kasabay nito, hinikayat ng mambabatas ang mga unibersidad at kolehiyo sa bansa na mag-produce ng mga karagdagang nurse dahil sa pinangangambahan na magkakaroon ng shortage pagdating ng taong 2030.

Kabilang aniya ang Pilipinas na kukulangin ng 249,843 nurses sa 2030 maliban kung madagdagan ang ga-graduate sa nursing course sa susunod na mga taon.

Mula 2010, umabot lamang sa 307,237 ang registered nurses sa Pilipinas base sa datos ng Professional Regulation Commission (PRC) kaya kailangang madagdagan umano ang bilang ng mga ito. (BERNARD TAGUINOD)

313

Related posts

Leave a Comment