NAGTATAMPO SA PNP

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

HINDI ko masisisi ang mga tao na magtampo sa Philippine National Police (PNP) dahil malayong-malayo ang trato sa mga maimpluwensya at mayayaman kaysa mahihirap na nagkakasala sa batas.

Kahit sino ang tanungin mong tao, ang tingin talaga nila sa hustisya sa bansa ay para lang sa mayayaman at ­maimpluwensya dahil ibang-iba ang trato sa mga pobre kapag sila ang nagkasala.

Isa sa mga ipinagtatampo ng mga tao sa PNP ay ang ibinigay na media mileage sa bumundol at nanagasa pa sa mall guard sa Mandaluyong City na napilitang magpakita sa Camp Crame matapos ang 10 araw.

Walang mahirap na suspek ang binigyan ng pagkakataon na umupo sa harap ng media para magpaliwanag kapag sumusuko sila sa pulisya bagkus ay ipaparada sila sa press conference para ipakita na hawak na nila ang nagkasala sa batas.

Karaniwan, nai-interview ng media ang mga mahihirap na suspek habang nasa loob sila ng kulungan at hindi kailanman ay pauupuin sa presidential table sa press conference.

Marami rin sa mahihirap na nagkasala sa batas ang agad na nahuhuli kahit walang arrest warrant lalo na kung tukoy na kung saan ito nagtatago o matatagpuan.

Sabagay, tinangka naman puntahan ng mga pulis ang bahay ni San Vicente pero hindi raw sila pinapasok ng mga guwardiya sa subdivision kaya hinintay na lang ang korte na maglabas ng arrest warrant pero sumuko na siya dahil nagsalita na si PNP OIC Vicente Danao.

Mukhang sumablay ang PNP sa kaso ng SUV driver na si Jose Antonio San Vicente na bumundol at nanagasa pa sa guwardiyang si Christian Joseph Floralde kaya dapat magsilbing leksyon ito sa kanila sa susunod.

Hindi maitatanggi kasi na may kaya sa buhay ang pamilya ni San Vicente kumpara sa guwardiyang si Floralde kaya ang tingin ng mga tao, mas nabigyan ng pabor ang suspek.

Hindi rin ibinigay ng PNP sa guwardiya ang pabor na ibinigay nila kay San Vicente nang dalhin ito sa Mandaluyong Prosecutors Office kaya lalong nagtampo ang mga tao at ang tingin nila sa hustisya ay para lang sa mayayaman.

Pero bigyan natin ng pagkakataon ang PNP na baguhin ang trato nila sa mayayaman at mahihirap na nagkasala sa batas. Lahat naman tayo ay may mga sablay na desisyon sa ating buhay.

Kailangang ipakita ng PNP na wala silang kinikilingan, ano man ang estado sa buhay ng isang nagkasala sa batas. May panahon pa para magawa nila ‘yan at baguhin ang ‘inaakala’ ng mga tao sa hustisya sa ating bansa.

Mahalagang maibalik ang tiwala ng mga tao lalo na ang mahihirap, sa sistema ng hustisya sa ating bansa at ang unang gagawa niyan ang pambansang pulisya bago ang hudikatura.

153

Related posts

Leave a Comment