BINAWIAN ng buhay ang isang tricycle driver matapos tadtarin ng bala habang namamasada, Martes ng umaga sa Antipolo City.
Sa ulat ng Provincial Tactical Operation (PTOC) sa tanggapan ng PRO4A-Regional Director, kinilala ang nasawi na si Jernel Martinez y Feliciano. Ligtas naman ang pasahero nito na tinukoy lang sa pangalang Jean Rose.
Sa ulat, dakong 5:10 ng umaga ay minamaneho ng biktima ang tricycle sakay ang pasaherong si Jean Rose patungo sa Antipolo public market ngunit pagsapit sa Zigzag Road, Brgy. San Jose ay pinagbabaril ito ng hindi pa nakikilalang salarin.
Tumakas ang suspek na inilarawang naka-helmet ng itim, naka-jacket, blue pants, may taas na 5`4 hanggang 5`5 sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng El Dorado. (ENOCK ECHAGUE)
