NILUSAW ng National Bureau of Investigation ang P11 bilyong halaga ng shabu, itinuturing na pinakamalaking ilegal na droga na nasabat sa bansa sa operasyon sa Infanta, Quezon noong Marso 15, 2022.
Ayon sa ulat ni NBI Director Eric Distor, sa memorandum na isinumite ng NBI Forensic Chemistry Division (NBI-FCD), ang P11 bilyong halaga ng shabu ay kabilang sa mga ebidensyang nilusaw, ayon sa utos ng Regional Trial Court.
Ang paglusaw sa nasabing ilegal na droga ay tinunghayan ng mga kinatawan ng Philippine Drug Enforcement Agency, NBI-Forensic chemists, na kabilang sa inimbitahan bilang saksi sa pagsunog sa illegal drugs sa Integrated Waste Management Inc. (IWMI) sa Trece Martirez City, Cavite.
Ayon kay Distor, kabilang sa nangasiwa ang NBI Forensic chemists sa pagsira ng ilegal na droga katulad ng paglalagay nito sa pyrolysis machine habang ang ibang mga tauhan ng NBI-FCD ay pinayagang kumuha ng litrato.
Nauna rito, noong Marso 15, 2022, ang mga operatiba ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs (TFAID), NBI-Research and Analysis Division (RAD) at Lucena District Office (LUCDO), sa pakikipag-ugnayan sa PNP Infanta, Quezon at PDEA Lucena, ay nagsagawa ng interdiction operation sa Barangay Comon, Infanta Quezon na nagresulta sa pagkakasamsam sa P11 bilyong halaga ng shabu.
Ang nasabing operasyon ay nagresulta rin sa pagkakatimbog ng sampung suspek habang nasa akto ng pagbibiyahe ng ilegal na droga sakay ng tatlong van.
Ang nasabing operasyon ay itinuturing na pinakamalaking nasabat na ilegal na droga sa kasaysayan ng bansa. (RENE CRISOSTOMO)
267 