Sabik na sa muling pagbangon ng Pilipinas KUMPIYANSA NG PINOY KAY BBM LALONG LUMAKAS

LABIS na pinananabikan ang nalalapit na pag-upo sa Palasyo ng ika-17 Pangulo pagsapit ng Hunyo 30 sa gitna ng kabi-kabilang suliraning kinakaharap ng susunod na administrasyon – kabilang ang lugmok na ekonomiya at krisis sa enerhiya bunsod ng pandemya at hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Katuwang ang mga itinalaga sa mga sensitibong pwesto sa gobyerno, lubos ang pag-asa ng mga Pilipinong babangon muli ang bansa sa kumpas ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos ang dalawang taong bangungot na hatid ng pandemyang salot.

Katunayan, umani agad ng papuri ang pasya ni Marcos Jr., na hirangin sina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno para sa Department of Finance; Monetary Board Member Felipe Medalla bilang papalit kay Diokno sa BSP; international development banker Alfredo Pascual para sa Department of Trade and Industry (DTI); at Philippine Competition Commission Chairman Arsenio Balisacan na babalik bilang kalihim ng National Economic and Development Authority.

Sa enerhiya, isa sa mga nakikitang paraan ni BBM ay ang pagiging bukas ng bansa sa nuclear technology, kaya naman usap-usapan na rin ang posibleng pagbukas ng Bataan Nuclear Power Plant na nakikitang sagot na nakaambang limitadong supply ng kuryente lalo pa’t nalalapit na ang pagkaubos ng energy resources mula sa Malampaya natural gas field.

Ang bukas na kaisipan ng susunod na administrasyon sa sa nuclear energy ay nakalulugod dahil labis nitong matutulungang lutasin ang problema ng Pilipinas sa kakulangan ng power supply sa kabila ng umiiral na moratorium sa pagtatayo ng mga panibagong power plant. Ayon pa nga sa mga balita, ang BNPP ang nakikitang pwedeng pagkunan ng 10% ng ating energy requirement sakaling matuloy ang plano.

Ang Manila Electric Company (Meralco), ang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa Pilipinas, ay nagpahayag na rin ng suporta sa paggamit ng nuclear energy sa pamamagitan ng pangako nitong pagko-kontrata ng suplay kung sakali mang magkaroon ng oportunidad para sa teknolohiyang ito.

Bukas na ang Pilipinas para sa nuclear power. Kailangan na lamang nating pagtuunan ito ng pansin, magsagawa ng edukasyon, public discourse, at government reinforcement upang masimulan ito.

Angkop rin ituloy-tuloy ang proyekto ng administrasyong Duterte sa imprastrakturang tutulong sa pag-usbong ng mga negosyo, pagpapabilis ng transportasyon at ng paghahatid ng mga kalakal.

Sa turismo, batid nating ang industriyang ito ang naging “saving grace” at ang mga plano ng administrasyong Marcos katulad ng pagpapaunlad ng mga produkto at pagkaing lokal upang hindi lamang tayo makilala sa ganda ng Pilipinas, kundi pati rin sa angking talento ng mga Pilipino.

Minsan nang nagwika si BBM sa planong isaayos ang direksyon ng Department of Tourism roadmap sa hangaring bigyan ng kapangyarihan ang mga kawani ng turismo na pangasiwaan ang mga tourist destinations. Sa ganitong paraan mararamdaman ng mga kawani ang mga pagbabago sa kanilang buhay gayundin sa pinabuting social at economic impact ng mga destinasyon sa lokalidad.

Aayusin din niya ang tourism response at recovery plan upang maibsan ang dagok ng pandemya sa turismo.

Higit sa lahat, mas maraming trabaho ang malilikha ng planong promosyon ng susunod na administrasyon sa turismo.

Bilang mamamayan, obligasyon natin magtiwala sa susunod na Pangulo – at maging sa kanyang napiling katuwang sa hamon ng pagbangon at pagbabago.

157

Related posts

Leave a Comment