CAVITE – Sugatan ang apat na katao kabilang ang isang election officer ng bayan ng Kawit at dalawang anak nito, nang sumemplang ang kanilang sinasakyang motorsiklo nang tinangkang umiwas na mabangga ang isang sumingit na sasakyan sa bayan ng Amadeo sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Pawang nilalapatan ng lunas sa Gentri Doctors Hospital ang mga biktimang sina Jasmin Gilera y Fernandez, 47, election officer ng Kawit, Cavite at angkas nitong 17-anyos na anak; isa pang anak na si Cipriano Jonas Gilera y Fernandez, 24, at angkas nitong si Jhanela Carranza y Nuñez, 24-anyos.
Kinilala naman ang driver ng sumingit na sasakyan na si Peter Doria y Abayon, 31, ng Rizal Park Canotocan, Tagum City, Davao.
Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Kithy Boy Costelo ng Amadeo Police Station, sakay ng motorsiklo si Jasmin at angkas nito ang kanyang 17-anyos na anak, habang sa isang motorsiklo ay sakay rin ang isa pa nitong anak na si Cipriano at angkas naman nito si Jhanela at sa likuran nila ay naka-convoy ang kanilang MPU mobile back-up na minamaneho ni Pat. Khim Darren Guardian, habang binabagtas ang south direction sa Brgy. Dagatan, Amadeo, Cavite patungo sa Tagaytay City dakong alas-12:15 ng hapon.
Sakay rin ng isang sasakyan si Doria habang binabagtas ang right lane patungo rin sa south direction ngunit pagsapit sa nabanggit na lugar ay sumingit ito sa kanilang lane dahilan upang mawalan ng kontrol sa kanilang manibela ang mga biktima at sumemplang na nagresulta sa kanilang pagkakasugat.
Ang mga biktima ay agad na isinugod sa ospital at kasalukuyang nilalapatan ng lunas. (SIGFRED ADSUARA)
