MAKAPIGIL hiningang ina-abangan ngayon na dinaig pa ang eksena sa walang kamatayang telenobela, ng mga empleyado ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Immigration (BI) na bago ang inagurasyon sa darating na June 30 ay posibleng ilalabas na kung sino sa mga aplikante sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mapalad na mapipiling commissioner ng ahensya na pagkakatiwalaan nina PBBM at incoming Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez.
Halos makumpleto na ang mga miyembro ng gabinete ni PBBM ngunit naiwan na lang sa masusing pinag-aaralang ang ilalagay sa BI at BOC upang makita kung sino ang karapat-dapat na makatutulong sa pamahalaan na may institutional knowledge kung paano mapipigilan at masugpo ang corruption sa ahensya at hindi para sa pansariling interes upang magpayaman sa puwesto.
Isa naman sa panawagan ng mga empleyado ng BI kay PBBM na magkaroon ng isang commissioner na buo ang loob na handang dinggin ang kanilang mga karaingan at may pagmamahal sa ahensya na hindi kagaya sa anim na taong pagdurusa sa panunungkulan ni outgoing Commissioner Jaime Morente na laging walang alam sa mga kontrobersyang pinagdaanan ng ahensya at hindi ipinaglaban ang kanyang tahanan.
Matatandaang sa simula ng panunungkulan ni PRRD ay itinalaga na bilang hepe ng BI si Morente ngunit sumabit agad ang dalawang dati nitong Deputy commissioner na sina Atty. Al
Argosino at Michael Robles sa P50-M extortion upang pakawalan ang 1,316 Chinese Pogo workers na nahuli sa Clark, Pampanga. Ang dalawa ay nahatulang mabilanggo sa kasong plunder sa loob ng 20-40 years.
Hindi rin dapat magpagamit sa pulitika ang susunod na magiging BI commissioner kagaya na lamang sa nangyaring umano’y “Pastillas Scheme” kung saan ay hindi ito nabigyan ng pagkakataon na itama ang maling impormasyon ukol dito, kaya’t scam ang nangyari dahil ito ay upang maagaw lamang ang kapangyarihan sa airport at masolo ang kitaan, maging ng ilang empleyadong nagmistulang “sacrificial lamb” ng pamahalaan. Tayo naman ay walang pinapanigan kundi ibinabahagi lamang natin ang ating kaalaman bilang 32 taon nang BI media.
Mayroon din namang aplikante na seryosong maglingkod para sa bayan ngunit tanging ang isa rito ay talamak umanong “corrupt” na desperadong gina-gapang ang kanyang papel na kahit si “Manong” ay kanyang nilapitan upang masungkit ang posisyon.
Hmm… Pinansin naman kaya?! Sino kaya ang aplikante na ito na dati nang nakakuha ng government position dahil umano nagbayad ito ng halagang P10-M sa isang makapangyarihang grupo?
Matapos na makapwesto umano ang “Mama” na ito ay agad na naghagilap ng pagkakaperahan sa ahensya at tinarahan ang ilang empleyado upang mabayaran ang inutang sa isang negosyante ngunit sa kasamaang-palad ay dinakip ang kanyang tauhan dahil sa extortion. Sino siya? Ibulong ko sayo, Boss!
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
168