TIMBOG sa mahigpit na pagbabantay ng mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P9.6-milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo sa karagatang sakop ng Barangay Manalipa sa lungsod ng Zamboanga.
Sa ulat ng kawanihan, hagip ng mga nagpapatrolyang operatiba ng Enforcement and Security Service (ESS) ng Port of Zamboanga, kasama ang mga miyembro ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company “Seaborne” ang 275 master cases ng sigarilyong lulan ng bangkang markado ng pangalang “FB JAMAIKA” nito lamang nakaraang linggo.
Sa paunang imbestigasyon ng BOC, naglalayag sa karagatan mula sa Jolo, Sulu ang naturang bangkang de motor na patungo sana sa Cotabato City nang masabat ng mga nagpapatrolyang operatiba.
Nang sitahin ang 10 kataong lulan ng naturang sasakyang dagat hinggil sa kargang kargamento, bigo umanong makapagprisinta ng mga kaukulang dokumentong patunay na legal ang pagbibiyahe ng mga nasilat na kontrabando.
Sa isinagawang imbentaryo, kabilang sa mga kinumpiska ng mga operatiba ang bangkang de motor, 275 master cases at siyam na ream ng “Fort White cigarettes.”
Hindi naman sinabi kung arestado ang 10 kataong lulan ng nasabat na bangkang de motor na gamit sa tangkang pagpupuslit ng mga kumpiskadong sigarilyo.
Sa isang bukod na pahayag, aminado si District Collector Segundo Sigmundfreud Barte Jr. na napapadalas ang mga tangkang pagpupuslit ng mga kontrabando sa kanilang sakop na distrito. Gayunpaman, tiniyak ng nasabing opisyal na hindi tumitigil ang kanyang tanggapan sa pagtugis sa mga piratang dagat.
Katunayan pa aniya, mula Enero hanggang Hunyo, umabot na sa P153 milyon ang halaga ng mga sigarilyong kanilang nabulilyaso, habang nasa P110 milyong smuggled na sigarilyo na rin ang winasak na ng kanilang distrito sa hangaring tiyaking hindi na ito makakarating pa sa merkado.
Pagtitiyak ni Barte, sasampahan ng patong-patong na asunto kabilang ang paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at Executive Order 245
(Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations) ang may-ari ng kontrabando at operator ng nahagip na bangkang de motor. (JO CALIM)
