SPORTS FEATURE Ni EDDIE ALINEA
ISANG buwan bago naganap ang “Thrilla in Manila” noong Oktubre 1, 1975 nina ‘The Greatest’ Muhammad Ali at ‘Smokin’ Joe Frazier, nagdatingan na sa lungsod ang foreign media.
Sa tulong nila at mahigit 300 local media na nagkober sa mga kaganapan sa pinakamalaking sporting event sa Pilipinas ng mga panahong iyon, nabigyan ang buong mundo ng ideya sa tunay na mga pangyayari sa bansa sa ilalim ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos, at makilala rin ang kanyang First Lady Imelda Romualdez-Marcos.
Kabilang sa mga nagkober sa Thrilla… sina Ronald Bachelor ng Reuters, Peter Vincent Bonventre ng Newsweek, Mak Kram ng Sports Illustrated, Red Smith at Dave Anderson ng New York Times, Will Grimsley at Ed Schuyler ng Associated Press, at Milt Richman at Bob Stewart ng United Press International. Sila at iba pang foreign press ay sabay-sabay lumulan sa Philippine Air Lines mula San Francisco kasabay ang boksingerong si Ken Norton, na bumasag sa panga ni Ali noong maglaban sila.
Kabilang din sa grupo sina Jerry Izenberg- Newark Star Ledger; Tom Cushman- Philadelphia News; Dick Schaap- Sports Magazine at Washington Star News; Milt Dunnel- Toronto Star; Bob Wright- Philadelphia Bulletin;
Ed Ingles- CBS Radio; Bill Furlong- Washington Post; Bob Waters- Newsday; Tom Dilustro at Tom Cottrell- AP; Vic Ziegel at Leonard Lewin- New York Post; Skip Myslenski- Philadelphia Bulletin; Ed Kolanovsky- AP; Jerry Lisker- National Star; Jim Jacobs, Alice Kwartler, Steve Lott at Sherry Feldman- Big Fights Inc.; Erik Ell- Springer Publishing; Ben Wett- German TV; Rolf Svenson, Alfonblader Sween, Frank Zuba- Big Fights Inc.; Susan Faust- Today Magazine; Wardell Quitman at Gordon Paterson- Don King Productions; Joe Flaherty at Curt Gunther- Camera 5; Franz Wagner- News Revue, Germany; at Sam Skinner- Syndication, San Francisco.
Pagdating nilang lahat ay dinala sila sa isang special reception committee sa bagong renovate na Bayview Plaza sa harap ng U.S. Embassy at kalapit lang ng Manila Hilton, naging opisyal na tahanan ni Ali habang nasa bansa. Sa Savoy Hotel (ngayon ay Midas Hotel) sa Pasay City naman tumuloy si Frazer. Unang nakilala sa pangalang Bayview Hotel, ginawang eksklusibo ang Bayview Plaza bago ang Thrilla, sa mga foreign journalist.
Isang malaking auxiliary press center ang itinayo sa 10th floor ng Philamlife building. Mga opisyal at empleyado ng Department of Public Information ang tumao sa press center 24/7. Isang Ringside Bar sa Philam main press center at isa pa sa Bayview ang nagsilbing ‘main hub’ naman ng mga nauuhaw na bisita, na naging paborito ang lambanog.
Ang heavyweight championship fight nina Ali at Frazier ay naging pambihirang pagkakataon at eksperyensya sa local newsmen, kabilang ang reporter na ito, upang mapatatag ang pagkakaisa at pagkakaibigan sa mga dayuhang mamamahayag, lalo sa mga tulad nina Red Smith at Will Grimsley. Higit sa lahat, ang pambihirang big boxing event gaya ng Thrilla in Manila ay naging daan upang maipamalas ng gobyernong Marcos ang tunay “na Pilipino hospitality” sa buong mundo.
221
