PAMPANGA – Nauwi sa trahedya ang pagdiriwang ng “Libad Ilog” o fluvial parade sa pista ng Patron “Apu Iro” sa bayan ng Apalit sa lalawigang ito, nang makuryente ang mga deboto na ikinamatay ng dalawa katao at apat ang nasugatan noong Martes ng hapon.
Ayon sa report ni Pampanga Police Acting Director Col. Alvin Ruby Consolacion, kabilang sa mga namatay na si Nyote Ponsenes, 40-anyos, at isang ‘di pa nakikilalang lalaki na edad 25-30-anyos.
Habang kinilala ang mga sugatan na sina Maria Christina Javier-Torres, 58; Mia Franz Simbulan, 11; Dwayne Cortez, 11, at Elizabeth Figueras Javier, 41-anyos.
Base sa panimulang imbestigasyon, nangyari ang trahedya bandang alas-2:00 ng hapon habang ang mga biktima ay sakay ng motor boat at kalahok sa isinasagawang tradisyunal na fluvial parade sa Apalit River bilang pagdiriwang ng kapistahan sa Barangay Sulipan.
Nabatid na habang naglalayag ang bangka ng mga biktima ay nasagasaan nito ang nakausling high-tension wire ng National Grid Corporation dahilan ng pagsabog ng makina ng bangka at nakuryente ang mga sakay nito.
Samantala, sa hiwalay na trahedya, isang 5-anyos na batang lalaki ang nalunod matapos tumaob ang sinasakyang bangka kasama ang buo nitong pamilya sa nasabing fluvial parade sa Apalit, Pampanga.
Kinilala ang biktima na si Aaron John Lopez, 5, residente ng España Dalayap, Macabebe, Pampanga.
Batay sa inisyal na report, kasama ng biktima ang kanyang ama na si Alejandro Lopez, 27; kapatid na si Prince Aiki, 6-anyos; kapitbahay na sina Ian Sequiña, 17, at Marlon Mercado, 32-anyos, lulan ng isang bangka.
Kuwento ng ama, naglalayag sila dakong alas-3:30 ng hapon nang mapansin nito na babangga ang kanilang bangka sa isa pang kasalubong na bangka kaya agad nitong kinabig ang manibela na naging sanhi ng bigla nitong pagtaob at paglubog. (ELOISA SILVERIO)
256 