MARAMI ang nagulat sa inilabas na committee report matapos ang Senate investigation ukol sa large-scale agricultural smuggling.
Sa listahan na inilabas ni Senate President Vicente Sotto III, binanggit ang tinatayang 22 individuals, kabilang ang Bureau of Customs (BOC) chief na hinihinalang smugglers o kaya’y protectors.
Ang 63-page committee report ay binulatlat ni Sotto kasunod ng pagpupulong nila ni President-elect Ferdinand Marcos Jr.
Batay raw sa intelligence information, pinangalanan sina Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, Deputy Commissioner for intelligence Raniel Ramiro, Deputy Commissioner Vener Baquiran; BOC directors Jeoffrey Tacio and Yasser Abbas bilang protectors daw ng smugglers.
Binanggit din sina Department of Agriculture (DA)-Bureau of Plant Industry director George Culaste; Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) director Eduardo Gongona, at Laarni Roxas ng plant quarantine services division ng DA-BPI o Bureau of Plant Industry.
Tinukoy rin naman daw si Navotas City Mayor Toby Tiangco na itinanggi ng alkalde, maging ang isang Mayor Jun Diamante na nag-o-operate raw sa Ports of Davao, Cagayan de Oro, Cebu at Subic; David Tan; Manuel Tan; Jude Logarta; Leah Cruz alias Luz Cruz o ang tinagurian daw na “Onion Queen;” Andy Chua; George Tan; David Bangayan; Tommy Go, Wilson Chua, at marami pang iba.
Ayon kay Sotto, ito raw ang dahilan kaya nakakalusot ang mga puslit o smuggled na gulay, prutas, manok, isda, karneng, baboy, at iba pang agricultural products.
Gayunman, itinanggi ng isang opisyal ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na sila ang source ng listahan ng mga pangalan ng mga pinaghihinalaang smugglers at kanilang protektor daw na nabanggit sa report ng Senate Committee of the Whole.
Ayon kay NICA Director Edsel Batalla, hindi nga raw galing sa kanila ang impormasyon na isiniwalat ng komite ni Sotto.
Ang pahayag ay ginawa ni Batalla matapos batikusin ng ilang senador ang hilaw pang impormasyon daw hinggil sa hinihinalang agricultural smuggling sa bansa.
Para sa ilang mambabatas, mahirap daw paniwalaan ang committee report.
Dapat daw validated ito at may kasama talagang facts.
Wala rin daw sa listahan si Tiangco, sabi ni Batalla.
As per NICA data nga raw, ayon kay Batalla, aba’y walang involvement si Tiangco sa smuggling o kahit bilang protektor ng aktibidad na ito.
Well, mismong si NICA Chief Batalla na ang nagsabi na hindi galing sa kanila ang info ni Sotto.
Kaya huwag naman nating kuyugin ang mama at ang kanyang ahensya.
Malalaman din naman siguro natin sa mga susunod na araw ang iba pang mga kaganapan ukol dito at ang katotohanan sa likod nito.
Abangan!
516 