BOTO NG 31 MILYONG PILIPINO, PANALO MULI!

BISTADOR Ni RUDY SIM

MULING nanaig ang katotohanan at pagkakaisa, dininig at iginalang ang boses ng higit 31 milyong Pilipino matapos na ibasura ng Supreme Court (SC) ang inihaing mga petisyon para sa disqualification at cancellation ng certificate of candidacy dalawang araw bago ang inagurasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang pagtibayin ang naunang desi­syon ng COMELEC en banc.

Ang botong 13-0 ng mga mahistrado ang nagbabasura sa consolidated petitions dahil sa kawalan ng merito ng inihain kontra kay PBBM ng grupo nina Fr. Christian Buenafe at ilang makakaliwang grupo na hanggang ngayon ay iginigiit ang maling impormasyon na sila’y biktima ng human rights violation noong panahon ng martial law.

Isang patunay lamang na ang naging desisyon ng SC ay pagmamahal sa inang bayan at walang bahid ng ano mang kulay ng pulitika at walang sino man ang maaaring magdikta upang ang maruming taktika sa pulitika ay manaig at makinabang ang isang talunang kandidato na umaasang paboran ang kanilang petisyon laban kay BBM at ikinaguho ng kanilang desperadong pangarap.

Hindi maitatago sa mga pahayag kamakailan ni outgoing VP Leni Robredo ang kanyang pagkadismaya sa kanyang pagkatalo sa nakaraang presidential elections, kung saan ay sinabi nito na hindi nagdesisyon ang sambayanan na siya’y maging bahagi muli ng susunod na pamahalaan. Kaloka ka naman Madam, hanggang ngayon ba ay hindi ka pa rin maka move-on?

Bakit kaya maging ang pagpayag ni Chief Justice Alevander Gesmundo na pangasiwaan ang oath taking kahapon ni PBBM ay sinisilip pa rin ng kampo ni Robredo? Walang iyakan, Atty. Romulo Macalintal!

Mula sa hanay ng oposisyon ay tanging si Risa Hontiveros lang ang tanging nakapasok sa Senado sa ikalawang termino at sa kanyang panunumpa kay Robredo ay ipinasa sa kanya ang “Agimat”, este ang pagiging lider ng oposisyon. Sa ngayon ay sina Hontiveros at Koko Pimentel pa lang ang nagpahayag na ­magiging miyembro ng minority bloc sa Senado.

Sa inagurasyon kahapon ni PBBM sa National Museum bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas, dinaluhan din ito ng ilang lider at mga ambassador ng iba’t ibang kapanalig na bansa kabilang sina Chinese Vice President Wang Qishan at asawa ni US Vice President Kamala Harris na si ­second gentleman Douglas Emhoff na ipinadala ni US President Joe Biden upang ipakita ang suporta at mapalakas ang rela­syon ng bawat bansa.

Ang pagpapakita ng suporta ng malalakas na bansa sa pagpasok ng administrasyon ni PBBM ay makasaysayan lalo na sa panahon ngayon ng krisis na hindi maawat ang pagtaas ng ­presyo ng produktong petrolyo na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya, na hindi imposibleng magawan ng paraan ng ating bagong halal na Pangulo ng bansa upang tiyakin na kanyang tutuparin ang kanyang mga naipangako noong panahon ng kampanya.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

256

Related posts

Leave a Comment