MY POINT OF BREW Ni JERA SISON
KUMUSTA kayong lahat. Ito ang bago ninyong kolumnista para sa Saksi Ngayon. Ang kolum na ito ay isang daan upang buhayin at manumbalik ang estilo ng panunulat ng mga kilalang kolumnista ilang dekada na ang nakalipas.
***
Bubuhayin muli natin ang mga estilo ng komento at birada tungkol sa mga kaganapan sa lipunan ni Ka Doroy Valencia sa kanyang “Over A Cup of Coffee”. Ipinagpatuloy ito ng aking Tatay, ang dating Press Secretary Jess Sison sa kanyang kolum na “The Second Cup”.
***
Sana naman ay mabigyan ko ng karangalan ang pangalan ng dalawang itinuturing na haligi sa journalism dito sa aking kolum na “My Point of Brew”. Umpisahan na natin!
***
Hindi ba ang sigaw ni BBM, kasama ang kanyang mga tagasuporta, ay pagkakaisa? UniTeam nga ang tawag nila.
Eh bakit umpisa pa lamang ay may mga umano’y kilalang supporter ni BBM na nagsisimulang sirain ang pagkakaisa ng papasok na administrasyon?
***
Baka hindi niya nakuha ang kanyang inaasam na posisyon sa gobyerno kaya naman nagngingitngit at sinisiraan ang isa sa pinaka-pinagkakatiwalaan ni BBM? Hindi pa nag-uumpisa ang trabaho ng ating bagong pamahalaan ay naninira na ang iba riyan na parang anay. Easy lang po!
***
Nagpahayag ng pagbati ang ating Santo Papa kay Pangulong Bongbong Marcos.
Sinabi ni Santo Papa na ipagdarasal niya si PBBM na magkaroon siya ng patuloy na karunungan at lakas para mabiyayaan tayo ng Panginoon upang makamit natin ang kapayapaan at kaunlaran na matagal na nating minimithi.
***
Buti pa si Santo Papa, ipinagdarasal si PBBM. Samantalang may mga pari tayo, nagdarasal na pumalpak ang administrasyon na ito. Haaaaaay.
***
Nag-umpisa ang opisyal na panunungkulan ni PBBM, ngunit hindi pa buo ang miyembro ng kanyang gabinete. Balita ko ay hirap na hirap ang screening committee ni PBBM dahil ang iba sa mga nais makakuha ng puwesto sa gobyerno ay umaasa sa kanilang pagsuporta sa UniTeam noong nakaraang eleksyon maski na hindi naman kwalipikado sa gusto nilang
posisyon.
***
Kaya naman gumagawa raw ang mga ito ng paraan upang tanggalan ng kredibilidad ang mga namumuno ng screening committee ni PBBM. Sa palagay ko, mas mananaig ang tiwala ni PBBM sa mga taong kasama niya sa hirap at ginhawa kesa sa mga taong ngayon lamang napalapit kay PBBM…sa ginhawa lang.
360 