MY POINT OF BREW Ni JERA SISON
UMABOT na sa 9.1% ang inflation rate sa US. Ito na ang pinakamataas na porsyento ng inflation sa nasabing bansa sa loob ng 40 taon. Kaugnay nito, ang ating Monetary Board ay nagpasya na taasan ang interest rate ng 75 basis points sa 3.5% epektibo kahapon.
***
Ayon kay bagong Bangko Sentral Governor Felipe M. Medalla, ginawa nila itong paghigpit ng monetary policy dahil sa nakikita nilang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa ating bansa na dulot ng pandaigdigang inflation.
***
Tama ang hakbang ng BSP. Alam naman natin na ang gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine ang nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin. Nagkaroon ito ng epekto sa ekonomiya sa karamihan ng mga bansa sa buong mundo.
***
Nagsimula ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine noong magtatapos ang buwan ng Pebrero. May limang buwan na ang nakalipas at ang epekto nito sa maliliit na mga bansa tulad ng Pilipinas ay unti-unti nang nararamdaman.
***
Kaya ito naman ang hakbang na ginawa ng BSP upang mabawasan ang matinding tama nito sa ating ekonomiya. Tandaan, hindi lang tayo ang apektado rito. Pagalingan na lamang ng diskarte at pamamahala ng ating lokal na ekonomiya upang maging matagumpay ang ating bansa na malagpasan ang krisis na ito.
***
Kaya sa mga kritiko ng administrasyon ni PBBM, huwag sana gamitin ang pagtaas ng inflation sa ating bansa upang siraan ang kredibilidad ng ating bagong pamahalaan. Tignan ninyo ang nangyari sa bansang Sri Lanka. Sa sobrang pamumulitika ng kanilang mga lider doon, nakalimutan nilang protektahan ang kanilang ekonomiya sa nasabing epekto ng krisis sa Europa.
***
Bagsak ang ekonomiya. Hirap sa pagkain. Hirap sa gasolina.
Hirap sa trabaho. Hirap sa pang araw-araw na pamumuhay. Nandiyan pa ang suliranin ng pagkalat ng COVID-19. Tiyak hirap din ang mga ospital at doktor sa bansang Sri Lanka sa pagtugon sa dumaraming kaso ng COVID-19 sa kanila.
***
Magpasalamat tayo na maganda pa ang kalagayan ng ating ekonomiya sa ngayon. Ayon nga kay Albay Rep. Joey Salceda, inaasahan na ang nasabing inflation na tataas sa ating bansa dulot ng hindi pagkakaunawaan ng Russia at iba pang mga bansa sa Europa at US. Dagdag pa ni Salceda, ang ating ekonomiya ay kayang harapin ang krisis na ito. Subalit kailangan ding magtulungan ang gobyerno at ang pribadong sektor.
***
Inihambing ni Salceda ang ekonomiya natin sa konstruksyon ng isang bahay. Maliit man ang Pilipinas, gawa naman daw ito sa tamang materyales ng semento, kahoy at yero na kayang tanggapin ang malakas na bagyo. Hindi raw tayo gawa sa isang barong-barong na bahay kung saan sa konting lakas ng hangin ng bagyo ay masisira agad.
176
