PUNA ni JOEL O. AMONGO
MAKALIPAS lang ang ilang araw, matapos na magdeklara si Vice President Inday Sara Duterte na tatakbo siyang presidente sa 2028 presidential election, ay agad nang lumantad ang labing-walong (18) mga dating sundalo ng Philippine Marines.
Sa pamamagitan ng press conference na pinangunahan ni Lito Baligod, isa-isang niyang binanggit ang mga pangalan ng 18 mga dating sundalo.
Kinumpirma nila na dati silang naging mga tauhan ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na dati ring naging chairman ng House Committee on Appropriations, na itinalaga ni dating Speaker Martin Romualdez.
Isa-isa nilang ibinulgar ang kanilang partisipasyon sa paghahatid ng male-maletang pera sa bahay mismo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Bukod sa paghahatid nila ng male-maletang pera sa bahay ng presidente ay nag-deliver din umano sila ng mga pera sa iba’t ibang personalidad na namumuno sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ang pahayag ng mga dating sundalo ng Philippine Marines, ay nagpapatibay o kumpirmasyon sa sinumpaang salaysay ni retired MSgt. Orly Guteza na nag-deliver siya ng male-maletang pera kina Zaldy Co, BBM, at Martin Romualdez.
Dahil sa paglantad na ito ng mga sundalo ay may mga rekomendasyon na magsampa sila ng kaso sa Office of the Ombudsman laban sa mga personalidad na kanilang binanggit na pinaghatiran ng male-maletang pera, para magkaroon ng hustisya ang mga Pilipino sa mga ninakaw na trilyong piso mula sa kaban ng bayan.
Bagama’t immune sa kaso si BBM sa ngayon dahil nakaupo siya, ay maaaring masampahan ang iba pang mga personalidad na binanggit ng mga sundalo.
Mababalewala ang expose ng mga sundalo kung hanggang pagbubulgar lamang ito at hindi susundan ng pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga pinangalanan na nagnakaw sa kaban ng bayan.
Kung pagbabasehan natin ang statement ng mga sundalo ay lumalakas ang paniniwala ng mga Pilipino na sinindikato ng kasalukuyang administrasyon ang gobyerno kung saan ay maraming opisyal ng pamahalaan na nagpapatakbo ng iba’t ibang tanggapan ang naging kasabwat sa korupsyon.
Matatandaan sa isinagawang iba’t ibang pagdinig ng Blue Ribbon Committee, Mababang Kapulungan ng Kongreso, at Independent Commission on Infrastructure (ICI), ay lumutang ang ilang pangalan ng mga kongresista, senador, opisyal at engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Commission on Audit (COA), Office of the Executive Secretary, Department of Justice (DOJ), Department of Education (DepEd), at Department of Budget and Management (DBM).
Hindi mangyayari ang pinakamatinding nakawan na ito kung hindi naging kasabwat o naging bulag, pipi’t bingi si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa mga nangyayari sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Hindi maaaring igiit ni BBM na wala siyang alam dahil siya ang pumirma ng 2023, 2024, at ang pinakakorap na 2025 National Budget.
Mismong si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang nagdawit sa magpinsang sina BBM at Romualdez, at sinabing naghatid siya ng male-maletang pera sa bahay ng dalawa.
Paano ipaliliwanag ng administrasyon ang ibinulgar ng dating mga sundalo? Gigipitin n’yo na naman ba sila tulad ng ginawa niyo kina Ret. General Romeo Poquiz, Cavite Rep. Kiko Barzaga, Col. Audie Mongao, at Mst Sgt. Orly Guteza, dahil sa kanilang pagbubulgar ng kanilang nalalaman?
Hindi na uubra ngayon ‘yan dahil lumabas na ang tagapagtanggol ng mga Pilipino na si VP Inday Sara Duterte.
Si VP Sara ang itinuturing ng mga Pilipino na lider nila laban sa lahat ng mga katiwalian.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
1
