INAMIN ng aktres na si Andrea Brillantes na may rare medical condition ito na kung tawag ay `congenital anosmia` na ibig ang sabihin ay walang pang-amoy.
Isiniwalat ito ni Andrea sa isang panayam sa kanya ng broadcast journalist na si Karen Davila. Since birth nga raw abnormal na ang kalagayan niya dahil hindi normal sa isang tao ang walang pang-amoy sa buong buhay niya. Hanggang ngayon na dalaga na siya hindi raw niya alam ang iba’t ibang amoy sa paligid.
“Wala po talaga, as in puwede po akong ututan sa mukha,” say niya sa panayam ni Karen.
Nalaman daw niya na wala siyang pang-amoy nang ututan siya ng kanyang ama sa mukha noong bata pa. Naghihintay raw ang lahat ng magiging reaction niya pero wala talaga siyang naamoy.
Doon daw lang niya napagtanto na wala nga siyang pang-amoy.
“Eh, yung ate ko, madaming pabango, mahilig sa mga pabango. Punta ako sa cabinet niya, spray-spray ako r’yan, tapos uminit na ‘yung leeg ko sa kaka-spray ko ng pabango, tapos wala pa rin akong naamoy,” pagkukuwento pa ni Andrea.
“Ang meron lang ako, sensation. Kapag may alcohol, ‘yung rubbing alcohol, parang lalamig, ‘yun lang. Mga cooling-cooling, Pero amoy po, wala talaga,” aniya.
Mahilig daw siya sa pabango, Kaya tanong sa kanya kung paano siya namimili ng pabango.
“Yung ate ko, ‘yung dyowa ko. Si Ric (Ricci Rivero), ipinaamoy kung ano ang amoy nito.”
Pagdating sa panlasa wala naman daw siyang problema, pero dahil nga wala siyang pang-amoy ay mistulang kulang pa rin daw. Mahilig siya sa sobrang sweet at sobrang asim na mga pagkain.
“Pinakamahirap po ‘yung panis na pagkain dahil hindi ko alam na sira, lalo na `pag gatas.” say ni Andrea.
Wala daw talaga siyang kahit anong memory ng mga amoy dahil ipinanganak na siyang ganoon ay natutunan na rin niyang how to live with it. Kung tutuusin aniya, walang makakaalam o hindi halata na may ganoon siyang problema sa pang-amoy kung hindi niya ito binulgar.
Masuwerte nga raw ang boyfriend niya dahil kahit anong amoy walang epekto kay Andrea. Hindi man daw ito maligo at maging mabaho, walang problema sa aktres.
Samantala, nilinaw rin ni Andrea na hindi si Ricci ang dahilan ng break-up nila ni Sef Fedelin. Pinalipas daw muna niya ang tatlong buwan bago siya nagdyowa ulit. Balak niya after break-up mag-focus na lang muna sa kanyang showbiz career. Pero biglang dumating si Ricci sa buhay niya. “Nu`ng makita ko siya, wala na rin naman kami ng ex ko nu`n. So, para lang sure, wala pong third party or anything. Saka nu’ng nakita ko siya, sawi pa rin ako sa isa at alam din naman `yan ni Chi (Ricci).” say pa ni Andrea.
