MALAKING palaisipan sa mga imbestigador ng Quezon City Police District ang pagkamatay ng isang hindi pa kilalang babae na umano’y nahulog o tumalon mula sa Manhattan Heights Tower D sa Quezon City kahapon ng umaga.
Sa sketchy report ng Cubao Police Station 7 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-7:00 ng umaga noong Hulyo 17 nang mangyari ang insidente sa Jogging Path sa 4th floor ng Manhattan Heights Tower D sa Gen. Romulo Ave., Araneta City, Brgy. Socorro, Cubao.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Lemuel Escleto, isang taxi driver umano na nakaparada sa labas ng gusali ang makarinig ng malakas na kalabog mula sa itaas ng Tower.
Nang tingalain umano ng driver ay nakita niya ang isang babae na nakakawit pa ang mga kamay sa hook ng bakod mula sa ika-apat na palapag ng gusali.
Nang magresponde ang guwardiya ay naabutan niya ang biktima na wala nang buhay sa bakod ng gusali.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang mabatid kung nagpakamatay, nahulog o sadyang itinulak mula sa gusali ang babae. (LILY REYES)
