QUEZON – Nawasak ang 10 na bahay matapos tamaan ng buhawi ang bahagi ng tabing dagat ng Sitio Scuba at Sitio Pantay ng Barangay Abuyon, sa bayan ng San Narciso sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.
Nakuhanan pa ng video ng isang residente ang pananalasa ng buhawi na nagwasak ng mga pananim at mga kabahayan.
Ayon sa mga residente, pasado alas-5:00 ng hapon nang magdilim ang kalangitan na inakala nilang nagbabadyang pag-ulan lamang.
Subalit mula sa karagatan, napansin ng mga residente ang umiikot na tubig hanggang sa lumakas ang hangin.
Sa video ay makikitang nagtakbuhan na ang mga residenteng papasok sa kanilang bahay upang magsipagtago.
Sinabayan pa ng malakas na ulan ang hangin at agad nawasak ang ilang kabahayan. Tumagal ng halos 12 minuto ang pananalasa ng buhawi sa Barangay Scuba.
Matapos ang pananalasa sa Barangay Scuba ay tumahak sa kapatagan ang buhawi at tumuloy sa Barangay Pantay kung saan mga puno ng saging naman ang ibinuwal.
Martes ng umaga ay agad nagsagawa ng rapid damage assessment ang MDRRM at LGU ng San Narciso at ayon kay Engr. Rafael Carabido, head ng Emergency Response Team, umabot sa P200,000 ang halaga ng naging pinsala sa 10 kabahayan.
Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente. Wala ring inilikas sa mga evacuation center dahil pagkaraan ng buhawi ay pansamantalang binubungan ng tolda ang kanilang mga tirahan at doon na rin nagpalipas ng magdamag ang mga residente. (NILOU DEL CARMEN)
327 