Epekto ng pandemya pinakokonsidera HINAY-HINAY SA 4Ps CLEANSING

BAGAMAN umani ng positibong reaksyon sa nakararami ang pagpupursige ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na linisin ang talaan ng mga nakatatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan, nagpaalala ang ilang mambabatas na maging maingat ang ahensya.

Sa mababang kapulungan, nalalakihan si Northern Samar Rep. Paul Daza sa 1.3 million na tinanggal sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) lalo na’t lumala ang kahirapan sa huling taon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pandemya.

“I agree that it’s about time we do a thorough cleansing of the list. However, it’s possible that the 1.3 million estimate that Secretary Erwin Tulfo must have been given is no longer accurate or updated given the pandemic and poverty data, among other considerations,” ani Daza.

Base sa pahayag ni Tulfo, hindi na umano maituturing na mahirap ang 1.3 milyon pamilya na 4Ps beneficiaries kaya tinanggal na ang mga ito sa listahan at meron pang 600,000 ang iniimbestigahan kung kwalipikado pa o hindi na.

Subalit ipinakokonsidera ng mambabatas ang naging epekto ng pandemya dahil base aniya sa huling pagtataya ng gobyerno, tumaas ng 23.7% ang poverty incident noong 2021 kumpara sa 21.1% noong 2018.

“This means about 3.9 million more Filipinos are living in poverty,” paliwanag pa ng mambabatas na halos kapareho na ng bilang ng 4Ps beneficiaries na umaabot sa 4.4 million bago tinanggal ang 1.3 million.

Umaasa rin ang kongresista na agad papalitan ang mga tinanggal sa 4Ps upang matulungan ang iba pang pamilya na matagal nang nakapila sa nasabing programa at maiahon din ang mga ito sa kahirapan.

Base sa nasabing programa, lahat ng pamilya na walang kakayahan sa buhay at may mga pinag-aaral na anak sa elementarya at high school ay bibigyan ng buwanang ayuda.

Umaabot sa P300 kada buwan ang ibinibigay sa pamilya na may anak na naka-enroll sa day care at elementarya habang P500 kada anak sa high school at P700 sa senior high school.

Sa Senado, suportado rin ni Sen. Loren Legarda ang desisyon ni Tulfo na magsagawa ng evaluation at assessment sa 4Ps list.

Ipinaalala ni Legarda na ang pangunahing layunin ng 4Ps ay tugunan ang intergenerational cycle ng kahirapan sa pamamagitan ng pag-aangat ng buhay ng bawat pamilya at pagtuunan ng pansin ang kinabukasan ng kanilang mga anak.

Sinabi ni Legarda na ang pag-graduate ng 1.3 milyong Pinoy households mula sa programa ay nangangahulugan na naging maayos na ang pamumuhay ng mga ito dahil nakatapos na ng pag-aaral ang kanilang mga anak o naisaayos na ang estado ng kanilang nutrisyon.

Gayunman, sinabi ni Legarda na dapat magpatuloy ang monitoring sa mga sinasabing graduate na sa extreme poverty.

Mahalaga anyang matutukan pa rin ang mga ito upang matiyak na hindi lamang sila makakaahon sa extreme poverty kundi sa malawak na kahulugan ng kahirapan.

Kasabay nito, sinabi ni Legarda na malaking tulong para sa mga bagong benepisyaryo ang P15 bilyong pondo upang makaagapay sila sa hirap na kanilang dinaranas. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

221

Related posts

Leave a Comment