UKAY-UKAY SILAT SA MATNOG

TIMBOG sa mga alistong operatiba ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Customs (BOC) sa Matnog Port sa lalawigan ng Sorsogon ang bulto-bultong segunda manong kasuotang higit na kilala sa tawag na ukay-ukay.

Sa isang ulat ng PCG, nasabat ang isang 10-wheeler wing van truck bago pa man makapaglayag ang barkong patungo sana sa General City.

Sa interogasyon sa tsuper at pahinante, lumalabas na mula pa sa Maynila ang mga naturang kontrabando.
Sa imbentaryo, umabot sa 72 bulto ang kumpiskadong ukay-ukay na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyong piso.

Sa ilalim ng umiiral na batas at reglamentong ipinatutupad ng kawanihan, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-angkat, pagbibiyahe at pagbebenta ng mga segunda manong kasuotang pinaniniwalaang posibleng may dalang peligro sa kalusugan ng mga mamamayan.

Isinalin na rin sa panga­ngalaga ng tanggapan ng BOC sa naturang rehiyon ang mga nasabat na ukay-ukay. Samantala, pinakawalan naman ang truck driver at mga pahinante makaraan ang isinagawang interogasyon.
(BOY ANACTA)

249

Related posts

Leave a Comment