KARTEL TABLADO HANGGA’T SI PBBM ANG PANGULO

(FERNAN ANGELES)

UNSYAMI ang pangarap na monopolyo ng mga kapitalista makaraang isiwalat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang polisiya ng kanyang administrasyon sa susunod na anim na taon.

Sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) sa Batasan Pambansa, inatasan ng Pangulo ang iba’t ibang kagawaran na buksan nang husto ang bansa sa pagpasok ng mga kapitalistang aniya’y magtatagisan sa merkado sukdulang pababain ang umiiral na presyo ng kanilang inilalakong produkto.

Sa kanyang talumpating tumagal ng mahigit isang oras, pinalakpakan ng hindi bababa sa 45 ulit – bukod pa sa dalawang standing ovation ng mga dumalo sa pagbubukas ng plenaryo ng Kongreso, iginiit din ng Pangulo ang kahalagahang ipasok ang makabagong teknolohiya sa lahat ng sangay ng gobyerno – agraryo, enerhiya, edukasyon, kalakalan, kalusugan, imprastraktura, transportasyon, komunikasyon at iba pang sandigan sa araw-araw na pamumuhay ng mga tao.

Sapat at Abot-Kayang Pagkain

Lubos na ikinatuwa ng mga mambabatas ang tinuran ng Pangulo hinggil sa isusulong na programa para sa mga magsasaka, mangingisda at yaong industriya ng paghahayupan. Binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan ng sapat at abot-kayang pagkain sa mga mamamayan, bagay na posible lang kung pauunlarin ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura.

Para kay Marcos, hindi angkop na pahirapan ang mga magsasaka, kasabay ng giit na tulong sa hanay ng mga magbubukid. Aniya, isang executive order ang kanyang inihahanda para burahin ang mga pagkakautang ng mga magbubukid sa hangaring bigyang-daan ang pagpapaunlad ng kanilang sakahan.

Kabilang rin sa kanyang programa ang puspusan at paspasang proseso sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Bilang tugon naman sa mataas na presyo ng punla, pestisidyo, feeds at abono, pamahalaan na aniya ang hahanap at aangkat ng mga nasabing kaagapay sa sakahan – na ipapasa naman ng pamahalaan sa mga magsasaka sa murang halaga.

Ayon sa Pangulo, kailangang itaas ang produksyon ng pagkain sa bansa gamit ang siyensiya at makabagong teknolohiya sa pagtatanim at pag-aalaga ng hayop. Mas maraming farm-to-market roads din ang pangako ng Pangulo.

Upang himukin ang mga mag-aaral na ikonsidera ang pagsasaka, plano naman ng kanyang administrasyong bahagian ng lupang pagtatamnan ang mga magtatapos sa kursong agrikultura.

Kultura Tampok sa Turismo

Sa usapin ng turismo, iginiit ni Marcos ang “re-branding” at pagtatampok ng mayamang kultura. Aniya, hindi dapat ipagkibit-balikat ang potensyal ng turismong ayon sa kanya’y hindi lamang nagpapasok ng kita sa pamahalaan kundi lumilikha rin ng mas maraming trabaho.

Bilang tugon, isusulong ng kanyang administrasyon ang mas maraming imprastrakturang magdadala sa mga turista sa mga pinakamagandang pasyalan sa iba’t ibang panig ng kapuluan at mas maraming paliparan.

Kailangan rin aniyang bumida sa tourism program ng pamahalaan ang pagiging malikhain ng mga Pilipino. Partikular niyang tinukoy ang iba’t ibang entablado ng sining kabilang ang arts and culture, new media, live events, at iba pang aspetong nagtatanghal ng katangi-tanging sining ng mga Pilipino.

Kagyat din niyang inatasan ng Department of Tourism (DOT) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsanib pwersa para makabangon ang turismong “unang pinadapa ng pandemya subalit nananatiling lugmok hanggang ngayon.”

Angkop rin aniyang magtatag ng isang institusyong kumakalinga at tutugon sa mahabang talaan ng mga kinakaharap na sitwasyon ng mga manggagawa sa nasabing sektor – mababang pasahod, hindi makataong trato at maging sa aspeto ng pamimirata sa likha ng mga Pilipinong alagad ng sining.

Kalinga sa Maralita

Binigyang importansya ng Pangulo ang kapakanan ng mga maralitang Pilipino. Aniya, hindi wastong magtagal ang tugon ng pamahalaan sa mga nangangailangan lalo na sa panahon ng kalamidad.

Para kay Marcos, dapat maging handa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lahat ng kaganapan, kasabay ng direktiba kay DSWD Secretary Erwin Tulfo na mag-imbak ng mga pangunahing pangangailangan at magtaguyod ng mga pasilidad kung saan ilalagak ang mga tulong sa lahat ng sulok ng bansa bago pa man manalasa ang nakaambang delubyo.
Titiyakin rin aniya ng pamahalaan ang mayo na ugnayan sa pagitan ng DSWD Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) at mga local government units (LGU) para sa mabilis na tugon sa tuwing kailangan ng emergency shelter assistance program.

Kasabay ng pagpapaigting ng komprehensibong programang Assistance to Individuals in Crisis Situation, tiniyak rin ng Pangulo na gagawing simple ang komplikadong proseso ng paghingi ng tulong sa gobyerno.

“Hindi naman dapat dagdagan pa ang hirap na nararanasan ng mga mamamayan.”

Hindi rin nakalusot kay Marcos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Pagtitiyak ng Pangulo, lilinisin ang talaan ng mga benepisyaryo upang tiyang tunay na maralita ang makakatanggap ng tulong ng pamahalaan.

Binanggit din ni Marcos ang pagpapatuloy ng supplemental feeding sa mga kabataang kapos sa nutrisyon, pag-agapay sa mga solo parents, senior citizens at mga taong may kapansanan

Kalusugan Para sa Lahat

Pag-amin ng Pangulo, nananatili ang banta ng nakamamatay na COVID-19 sa bansa. Gayunpaman, tiniyak niyang wala ng magaganap na lockdown sa mga susunod na panahon. Katwiran ng Marcos – hindi na kakayanin ng ekonomiya ang paghimpil ng negosyo, hanapbuhay at kalakalan.
Pagtitiyak naman niya, mas magiging maingat ang pamahalaan sa pagbalanse ng kalusugan at ekonomiya. Nakikipagtulungan na rin aniya ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagbabantay sa mga pagamutang kumakalinga sa mga positibo sa COVID-19 sa hangaring maiwasan ang nakapanlulumong tagpo sa kasagsagan ng pandemya kung saan pahirapan ang pagpasok sa mga ospital na noo’y nag-uumapaw sa dami ng pasyente.
Upang siguruhing di na mauulit ang gayong tagpo, inatasan ang Department of Health (DOH) na paigtingin ang bakunahan para sa mga booster shots, kasabay ng pahayag ng pagtatayo ng mas maraming ospital sa iba’t ibang panig ng bansa.
Umani naman ng standing ovation ang Pangulo nang ilatag ang kanyang planong magpatayo ng mga specialty hospitals tulad ng Philippine Health Center, Lung Center, Children’s Hospital at National Kidney Institute sa mga malalayong lalawigan, ang regular na pagbisita ng mga rural health workers sa mga liblib na pamayanan, pagbuo ng sariling Center for Disease Control at Vaccine Institute at mas maraming health centers.
Isusulong rin niya ang mekanismong magpapabuti sa kondisyon ng mga medical workers at frontliners, sapat na supply ng mura subalit murang gamot.

Balik Face-to-Face Classes

Naniniwala rin ang Pangulo na dapat nang ibalik ang face-to-face classes sa mga paaralan sa kondisyong tiyakin munang ligtas ang lahat ng paaralan at bakunado kontra COVID-19 ang mga guro at mag-aaral.
Katunayan aniya, pinaghahandaan na ni Vice President Sara Duterte na tumatayong Kalihim ng Department of Education (DepEd) ang pagbabalik-normal ng sektor ng edukasyon.
Isusulong rin umano ng kanyang administrasyon sa tulong ng DPWH at mga LGUs ang madagdagan ang mga pampublikong paaralan, pagtataas ng antas sa kalidad ng mga gurong isasailalim sa “refresher course” na magbibigay daan para makasabay ang edukasyon sa makabagong teknolohiyang dala ng internet.
Bibigyan rin aniya ng pamahalaan ng sapat na kagamitan ang mga mag-aaral at mga guro – computer, gadgets, internet at iba pang educational tools sa hangaring mai-angat ang antas ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan. Kailangan din aniyang buksan ang kamalayan ng academic community sa mga kursong Science, Technology, Engineering at Mathematics (STEM).
Maging ang K-12 at ROTC, masusi na rin aniyang pinag-aralan ng departamento.
Samantala, mananatili naman ang wikang Ingles bilang “medium of instruction.” Paliwanag niya, malaking bentahe ang kakayahang  magbasa, umunawa at makipag-ugnayan sa wikang Ingles sa paghahanap ng trabaho – local man o overseas.

Ayaw sa Karimlan

Prayoridad rin ng administrasyong Marcos ang pagsusulong ng renewable energy sa hangaring maibsan ang epekto ng “climate change.”
Aniya, bagamat maliit lang naman umano ang kontribusyon ng bansa sa polusyong bumabalot sa daigdig, mainam pa rin ang yakapin ang renewable energy upang mapunan ang manipis na supply at mapababa ang presyo ng kuryente sa bansa.
Sa kanyang termino, isusulong niya umano ang makapagpatayo ng mas maraming power plants sa lahat ng sulok ng bansa sa paniwalang magiging mas mura ang enerhiya kung labis pa sa ating pangangailangan.
Kabilang sa mga renewable energy system na ilalatag sa susunod na anim na taon ay ang “hydropower, geothermal power, solar at wind.” Gayunpaman, kinokonsidera pa din umano ng pamahalaan ang nuclear energy system.
Tutukan rin aniya ng kanyang administrasyon ang suplay ng malinis at ligtas na inuming tubig sa bansa.

BBB noon, BBM ngayon

Wala namang plano si Marcos na isantabi ang Build-Build-Build infrastructure program ng dating Pangulong Rodrigo Duterte. Katunayan aniya, mas palalawigin pa ng kanyang administrasyon ang mas maraming imprastraktura sa paniwalang ssusi sap ag-unlad ng Pilipinas ang mga pagawaing-bayan.
Pangako I Marcos, lahat ng mga nakabinbing proyekto sa imprastraktura, tatapusin bago matapos ang kanyang termino – kabilang ang North-South Commuter Railway system, Metro Manila Subway Project, LRT-1 Cavite extension at MRT common station.
Pasok rin sa kanyang programa ang Mindanao Railway Project, Panay Railway, Cebu Railway system, Bus Rapid Transit, mga biyahe ng tren mula Subic hanggang Clark at mula Laguna hanggang Bicol.

Atin ang West Ph Sea

Nanindigan rin ang Pangulo na hindi niya pahihintulutan kahit sino mang “super power” ang kumurot maski kapiraso ng ating teritoryo.
Aniya, mananatiling bukas ang Pilipinas ssa pakikipagkaibigan sa iba’t ibang bansa – pero hindi niya kailanman ikokompromiso ang karapatan at soberanya ng Pilipinas.

Zero Crime

Samantala, walang naitalang crime incident sa unang SONA ni Pangulong Marcos, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay P/Major Gen. Felipe Natividad, NCRPO Chief, generally peaceful ang idinaos na SONA sa tulong ng 22,000 law enforcers at peacekeepers na ikinalat ng pamunuan.
Dagdag ni Natividad, ipinatupad nang mahusay ang mga polisiya, batas at procedures upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan hindi lamang para sa kaligtasan ni Pangulong Marcos kundi maging ng mga anti at pro-government na raliyista.
Pinasalamatan din ng opisyal ang pakikipagtulungan at pagkakaisa ng iba’t ibang tanggapan at units na pinakinabangan ng mga lumahok sa kilos-protesta at sumuporta sa Punong Ehekutibo.
Sa kabila aniya ng mga hamon dulot ng masamang panahon ay nanatiling mataas ang morale ng pulisya at nagpatupad ng mahigpit na seguridad at COVID-19 health protocols. ( May dagdag na ulat si ENOCK ECHAGUE)

134

Related posts

Leave a Comment