HIGIT pa sa pagpanaw ng tatlo kataong pawang biktima ng walang saysay na karahasan ang dapat tutukan ng gobyerno sa isang insidente ng pamamaril sa Ateneo de Manila University kamakailan.
Nang maganap ang insidente, dapat mahigpit na pinaiiral ang ideklarang gun ban bilang mekanismo sa seguridad sa ginanap na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Kaya naman palaisipan hanggang ngayon kung paano nakalusot ang armadong suspek sa naturang Pamantasan sa mismong lungsod kung saan idinaos ang unang SONA ni Marcos Jr.
Kung susuriing mabuti, malinaw na kapabayaan ng Philippine National Police at iba pang law enforcement agencies ang dahilan sa likod ng naturang pamamaslang ng isang determinadong suspek na target na bawian ang isang dating alkalde mula sa gawing timog ng bansa.
Sa paghupa ng gulo, tatlo ang kumpirmadong patay. Sina dating Lamitan Mayor Rose Furigay, ang kanyang executive assistant na si Victor Capistrano, at security guard ng unibersidad na kinilalang si Jeneven Bandiala – na ang tanging kasalanan ay gampanan ang kanyang trabaho bilang guwardiya ng naturang nasabing pamantasan kung saan nakatakda sanang ganapin ang pagtatapos ng mga mag-aaral sa kursong abogasya.
Pagtatapat ng suspek na si Dr. Chiao Tiao Yumul, humalo lamang siya sa mga taong dumagsa sa Ateneo. Sa madaling salita, walang sapat na seguridad o presensya man lang ng pulis sa naturang Pamantasan.
Hindi na bago ang kapalpakan ng PNP sa mga nakalipas na panahon. Ang mga mahinang kasong isinampa laban sa mga drug suspect na naabswelto dahil sa mali – kundi man sadyang minaling paghahain ng asunto sa piskalya, mga imbestigasyong salat sa sustansya, mga pag-arestong hindi akma, pagkitil ng buhay ng mga inosente, ganansya mula sa mga iligalista at iba pa.
Kailan ba titino ang PNP? Walang katiyakan. Isa lang ang malinaw, kailangan ng PNP ng isang huwarang Director General.
Minsan tuloy, parang hindi na bagay sa PNP ang kanilang motto — To Serve and Protect.
Simpleng gun ban lang ‘di pa naipatupad nang tama.
112